MAGANDANG balita para sa mga deboto ni Saint Pio of Pietrelcina, o mas kilala bilang si Padre Pio dahil dumating na sa bansa ang heart relic ng naturang mapaghimalang santo.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), Biyernes ng gabi nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplanong sinasakyan ng heart relic.
Kasama ang ilang pari at mga Obispo na kinabibilangan nina retired Lipa Archbishop Ramon Arguelles na siyang sumundo sa relic mula sa San Giovanni Rotondo sa Italy.
Kaagad na ibiniyahe ang relic patungo sa National Shrine of Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas, kung saan isang banal na misa ang isinagawa dakong ala-1 hanggang alas-2 ng madaling araw kahapon.
Pansamantalang mananatili sa National Shrine ang heart relic hangang Oktubre 7.
Pagsapit ng Oktubre 8 hanggang Oktubre 10 ay ililibot ito sa Luzon na iho-host ng Archdiocese of Manila.
Ililibot din ang heart relic sa Visayas region mula Oktubre 11 hanggang Oktubre 13 sa ilalim ng Archdiocese of Cebu bago tuluyang dalhin sa Mindanao mula naman Oktubre 14 hanggang Oktubre 16 na iho-host ng Archdiocese of Davao.
Ibabalik ang heart relic sa Batangas kung saan magsasagawa naman ng concelebrated mass sa San Sebastian Cathedral sa Lipa City bago dalhin sa Capuchin Monastery sa Barangay San Sebastian ng naturang lungsod.
Gayundin, magkakaroon ng round the clock na veneration sa heart relic sa National Shrine para mas maraming deboto ang makalapit dito.
Sa Oktubre 26, nakatakdang ibiyahe pabalik sa Italy ang heart relic.
Ang Filipinas ang ikaapat na bansang binisita ng heart relic ni Padre Pio.
Ang mapaghimalang si Padre Pio ay kilala sa pagkakaroon ng stigmata o mga sugat sa kaniyang kamay na hawig sa mga sugat ni Kristo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.