HEARTENING TO SEE UMEKSENA SA PHILRACOM MAIDEN STAKES

horse racing

SINORPRESA ng Heartening To See ni Mario Yumang ang bayang karerista nang gapiin ang mga paboritong karibal para tanghaling kampeon sa 2023 Philracom 2YO Maiden Stakes nitong Linggo sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas.

Pinakadehado sa limang kalahok, nagawang maisalba ng chestnut filly mula sa lahi ng Sakima at Lemoniscious at nasa pangangalaga ng SC Stockfarm, ang huling hirit ng Amor My Love (Low Profile-Arrina Amor) ni James Anthony Rabano para maisubi ang P720,000 prize money.

Ito ang ikalawang pagkakataon sa nakalipas na dalawang lingggo na namayagpag ang tambalan nina trainer Christopher “Boyet” Guerra at jockey Peter John “Patar” Guce matapos makopo ng alagang Badboy MJ ang Philracom 3YO Sprint.

Gamit ang kahalintulad na diskarte sa Badboy MJ, nanatiling nakabuntot ang Heartening to See sa katunggaling Benhur Abalos’ top-pick Sonnet Forty Three (Ulitimate Goal-Facil Katana) at Feliciano de la Cruz’ Bravemansgame (Lemon Drop Title-Coloured Veil), habang nakikipagsabayan sa Amor My Love with Upscale Bell (Sakima-Upscale Storm).

Humulagpos lamang ang Heartening to See sa huling 75 metro upang kunin ang bentahe sa Amor My Love. Pangatlo ang Sonnet Forty Three habang bumuntot ang Bravemansgame .

Naitala ng Heartening to See ang tyempong 1:32.2 sa karera na may distansiyang 1,200m.

-EDWIN ROLLON