HEAT BALIK ANG INIT

Jimmy Butler

UMISKOR si Jimmy Butler ng 35 points at pinutol ng Miami Heat ang kanilang three-game losing streak sa 129-122 panalo laban sa Dallas Mavericks nitong Sabado.

Pinangunahan ni Butler ang scoring ng Miami mula sa 12-of-16 shooting at nagbigay ng 12 assists.

Nagdagdag si Cody Zeller ng 20 points habang kumubra sina Kevin Love at Max Strus ng tig-18 points, habang tumapos si Tyler Herro na may 15 points.

Umangat ang Miami sa 41-37 at nanatili sa seventh sa Eastern Conference standings, isang laro sa likod ng sixth-placed Brooklyn Nets sa karera para sa automatic playoff berth.

Natutuwa si Heat coach Erik Spoelstra at naibalik ng kanyang tropa ang kanilang offensive rhythm makaraang umiskor lamang ng 92 points sa kanilang huling dalawang laro.

“We knew we’d have to put some pressure on them offensively and during the course of the game we were able to get them on their heels, and Jimmy controlled the tenor and tempo of the game.”

Nanatili ang Mavs sa 11th sa Western Conference na may 37-41 record at isang laro sa likod ng 10th placed Oklahoma City Thunder, na inookupahan ang huling play-in berths.

Itinuro ni Dallas coach Jason Kidd ang malamig na depensa ng kanyang tropa na dahilan ng kanilang pagkatalo.

“It wasn’t the offensive side of the ball, it was the defensive side,” ayon kay Kidd.

Nanguna si Luka Doncic para sa Dallas na may 42 points, 10 rebounds at 8 assists habang tumapos si Tim Hardaway Jr. na may 31 points. Nagtala si Kyrie Irving ng 23 points subalit hindi sapat para bigyan ng panalo ang Mavericks.

“Timmy (Hardaway), Ky (Irving) and Luka kept us in the ballgame,” ani Kidd. “We just didn’t get any production from the bench tonight.”