HEAT, KNICKS SA EAST S’FINALS

Jimmy Butler

NAGBUHOS si Jimmy Butler ng 42 points at umabante ang bisitang Miami Heat sa Eastern Conference semifinals sa 128-126 overtime victory kontra top-seeded Milwaukee Bucks sa Game 5 nitong Miyerkoles.

Sinundan ni Butler ang kanyang franchise-playoff-record, 56-point performance sa Game 4 sa pagsalpak ng 17 sa 33 shots mula sa floor sa Game 5. Tinulungan niya ang eighth-seeded Heat na malusutan ang 16-point, fourth-quarter deficit sa pagkamada ng 12 sunod na puntos para sa kanyang koponan sa isang stretch bago ipinasok ang isang alley-oop sa huling segundo upang ipuwersa ang overtime.

Sa extra session, isinalpak ni Miami’s Max Strus ang dalawa sa tatlong free-throw attempts makaraang ma-foul ni Giannis Antetokounmpo bago sumagot ang huli ng isang dunk upang tapyasin ang kalamangan ng Miami sa 128-126, may 29.5 segundo ang nalalabi.

Tumapos si Gabe Vincent na may 22 points at nagdagdag si Bam Adebayo ng 20 points, 10 rebounds at 10 assists para sa Heat, na makakasagupa ang fifth-seeded New York Knicks sa Eastern Conference semifinals. Sinibak ng Knicks ang fourth-seeded Cleveland Cavaliers sa 106-95 victory sa Game 5 ng kanilang series noong Miyerkoles.

Tumabo si Antetokounmpo ng 38 points at 20 rebounds at nag-ambag si Khris Middleton ng 33 points para sa Bucks. Nagdagdag si Brook Lopez ng 18 points at 10 rebounds, at nagsalansan si Jrue Holiday ng 16 points, 9 rebounds at 6 assists.

Knicks 106, Cavaliers 95

Tumirada si Jalen Brunson ng 23 points at umusad ang New York Knicks sa second round ng playoffs sa unang pagkakataon magmula noong f 2013, nang tapusin ang host Cleveland Cavaliers sa Game 5 ng kanilang Eastern Conference series.

Hindi kailanman naghabol ang fifth-seeded New York at lumamang ng hanggang 18 points.

Warriors 123, Kings 116

Umiskor si Stephen Curry ng 31 points at nagbigay ng 8 assists habang nagdagdag si Klay Thompson ng 25 points at dumikit ang bisitang Golden State Warriors sa Western Conference semifinals nang payukuin ang Sacramento Kings.

Tumabo si Draymond Green ng 21 points at tumipa si Andrew Wiggins ng 20, habang kumalawit si Kevon Looney ng 22 rebounds para sa Warriors na kinuha ang 3-2 lead sa best-of-seven series.

Babalik ang Warriors sa home para sa Game 6 sa Biyernes sa San Francisco para sa kanilang unang tsansa na umabante.

Nagposte si De’Aaron Fox ng 24 points, 9 assists at 7 rebounds para sa Kings sa kabila na naglaro na may avulsion fracture sa tip ng index finger sa kanyang kaliwang (shooting) kamay. Ang injury ay natamo sa Game 4 noong Linggo.

Grizzlies 116, Lakers 99

Kumana si Desmond Bane ng 33 points, 10 rebounds at 5 assists habang nagdagdag si Ja Morant ng 31 points, 10 rebounds at 7 assists at nanatiling buhay ang Memphis Grizzlies nang gapiin ang bisitang Los Angeles Lakers sa Game 5 ng kanilang Western Conference first-round series.

Nag-ambag si Jaren Jackson Jr. ng 18 points at 10 rebounds para sa Memphis na tinapyas ang bentahe ng Lakers sa 3-2 sa best-of-seven series.

Nakalikom si Anthony Davis ng 31 points at 19 rebounds at nagtala si Austin Reaves ng 17 points, 8 rebounds at 6 assists para sa seventh-seeded Lakers. Nagdagdag si LeBron James ng 15 points at 10 rebounds at kumabig si D’Angelo Russell ng 11 points at 10 assists para sa Los Angeles.