HEAT NAKAALPAS SA HORNETS SA OT

Jimmy Butler

NAGSALANSAN si Jimmy Butler ng 35 points, 10 rebounds at 8 assists upang pangunahan ang host Miami Heat sa 117-112 overtime win kontra Charlotte Hornets noong Huwebes ng gabi.

Isinalpak din ni Butler ang 13 sa 15 free throws, kabilang ang 1-for-1 sa isang overtime period na nagbigay sa Heat ng 9-for-9 mula sa line.

Ang Hornets, natalo ng pitong sunod, ay pinangunahan ni Kelly Oubre na kumamada ng season-high 29 points sa 11-for-20 shooting, kabilang ang 7-for-13 sa 3-pointers. Sa kanyang huling dalawang laro ay dalawa lamang ang kanyang naipasok sa 18 long-distance attempts.

Nakakuha rin ang Charlotte ng 22 points mula kay Terry Rozier, habang nag-ambag si Bam Adebayo ng Miami ng 18 points at 14 rebounds.

Wizards 113, Mavericks 105

Umiskor si Kyle Kuzma ng season-high 36 points, kumalawit ng 11 rebounds at nagbigay ng 6 assists upang pangunahan ang Washington laban sa bisitang Dallas.

Nagtala si Kuzma ng 14 of 26 shots mula sa floor, kabilang ang 5 of 11 mula sa 3-point range. Kumubra si Rui Hachimura ng 23 points at 8 rebounds upang tulungan ang Washington na maiposte ang ikalawang sunod na panalo kasunod ng 1-5 stretch.

Tumapos si Dallas’ Spencer Dinwiddie na may 33 points makaraang magsalpak ng 7 of 12 mula sa 3-point range. Nagposte si Luka Doncic ng 22 points, 9 rebounds at 6 assists para sa Mavericks, na natalo ng dalawang sunod.

Trail Blazers 106, Pelicans 95

Nagbuhos si Jerami Grant ng 27 points nang gapiin ng Portland ang host New Orleans, sa kabila ng pagliban ng dalawang pinakamahuhusay na players ng Trail Blazers.

Nagdagdag si Anfernee Simons ng 23 points para sa Portland na umangat sa 4-1 sa kanilang six-game road trip. Tumipa si dating Pelican Josh Hart ng 17 para sa Trail Blazers, na naglaro na wala sina Damian Lillard (calf) at center Jusuf Nurkic (adductor).

Umiskor si Zion Williamson ng 29 upang pangunahan ang New Orleans. Nagdagdag si Trey Murphy III ng 16 para sa Pelicans, na natalo sa ikatlong pagkakataon sa apat na laro.

Hawks 104, 76ers 95

Naitala ni Trae Young ang 15 sa kanyang 26 points sa first quarter at ipinalasap ng host Atlanta sa Philadelphia ang ikatlong pagkatalo nito sa apat na laro.

Naipasok ni Young ang 7 lamang sa 21 field goals at 2-for-8 lamang sa 3-point tries, ngunit perfect sa 10 free-throw attempts at nagbigay ng 7 assists. Nagdagdag si Clint Capela ng 18 points at season-high 20 rebounds.

Nanguna si Joel Embiid para sa 76ers na may 26 points at 13 rebounds.