NAGBUHOS si Jimmy Butler ng 23 points upang pangunahan ang pitong Miami players sa double figures, at nagsalpak siya ng back-to-back 3-pointers na pumigil sa late rally ng Magic sa 121-95 panalo ng Heat kontra bisitang Orlando noong Martes.
Ang Miami ay hindi nalamangan at umabante ng hanggang 26 points sa fourth quarter sa likod ng matinding defensive effort. Nalimitahan ng Heat ang Magic sa 35-for-80 shooting mula sa floor (43.8 percent), kabilang ang 10-for-35 (28.6 percent) mula sa 3-point range, at naipuwersa ang 18 turnovers.
Subalit sinimulan ng Orlando ang fourth quarter sa 13-2 run, tinapyas ang deficit sa 10 points sa kalagitnaan ng period.
Napigilan ni Butler ang comeback attempt nang maipasok niya ang kanyang dalawa lamang na 3-pointers sa laro sa magkasunod na possessions, una ay sa step-back at pagkatapos ay mula sa assist ni Terry Rozier.
Kasunod nito ay umiskor si Butler mula sa loob ng arc, kinumpleto ang kanyang one-man, 8-0 run upang makalayo sa laro.
Nagtala rin si Butler ng 8 rebounds, 8 assists at 3 steals.
Walong Miami players ang bumuslo ng kahit isang 3-point attempt, kabilang si Josh Richardson, na nagtala ng 3-for-3 mula sa three-point area mula sa bench tungo sa 13 points. Nagdagdag si Jaime Jaquez Jr. ng 12 points sa reserve role para sa kanyang unang double-figure-point scoring performance sa anim na laro magmula nang magbalik mula sa groin injury.
Nakalikom si Rozier ng 18 points, 7 assists at 6 rebounds para sa Miami, na naiposte ang kanilang ikatlong panalo sa apat na laro at nakopo ang season series laban sa Orlando, 3-1. Umiskor sina Tyler Herro at Bam Adebayo ng tig-14 points, at nag-ambag si Caleb Martin ng 11 points.
Napantayan ni Paolo Banchero ang game-high point total ni Butler na may 23, at kumalawit ng 9 rebounds at nagbigay ng 7 assists sa pagkatalo. Bumuslo si Wendell Carter Jr. ng 6-for-9 mula sa floor tungo sa 15 points. Tumapos si Franz Wagner, na galing sa pagpantay sa kanyang career high na 38 points, na may 13 points.
Umiskor din si Markelle Fultz ng 13 points para sa Magic na naputol ang three-game winning streak.
Mavericks 119, Nets 107
Humataw si Kyrie Irving ng 36 points sa kanyang pagbabalik sa Brooklyn habang nakontrol ng Dallas Mavericks ang second quarter, nalusutan ang ilang shaky moments sa fourth at dinispatsa ang Nets.
Tumipa si Irving ng 21 points sa halftime upang tulungan ang Mavericks na maitarak ang 65-47 lead at pagkatapos ay ibinuslo ang dalawang clutch 3s sa huling limang minuto upang mapigilan ang paghahabol ng Brooklyn. Naipasok niya ang 15 sa 24 shots sa kanyang ikalawang laro makaraang magbalik mula sa bruised thumb at nagsalpak ng anim na 3s.
Nagsuot si Luka Doncic ng face mask makaraang maging kuwestiyonable dahil sa nasal contusion at nagdagdag ng 35 points. Napantayan din ni Doncic ang season high na may 18 rebounds at nagbigay ng 9 assists.
Nag-ambag si Tim Hardaway Jr. ng 14 points at nagposte si Josh Green ng 12 para sa Mavericks, na bumuslo ng 50.5 percent mula sa floor at nagsalpak ng 19 3s.
Pacers 132, Rockets 129
Kumana si Pascal Siakam ng team-high 29 points habang nagdagdag si Myles Turner ng 21 points nang gapiin ng Indiana Pacers ang bisitang Houston Rockets sa Indianapolis.
Nahila ng Pacers ang rally na pinasimulan sa kalagitnaan ng third quarter hanggang fourth, itinarak ang 14-point lead bago nabuhay ang Rockets, Naitala ni Jalen Green ang 12 sa kanyang game-high 30 points sa final frame, at ang kanyang 3-pointer, may 46 segundo ang nalalabi, ang naglapit sa Houston sa 130-127.
Subalit sumagot si Tyrese Haliburton ng mahirap na driving layup sa 21-second mark at nalusutan ng Pacers ang tatlong desperation heaves mula sa arc ng Rockets upang kunin ang panalo.
Nakakolekta si Haliburton ng 18 points at 7 assists habang nagtala sina T.J. McConnell at Buddy Hield ng pinagsamang 29 points at 10 assists mula sa bench para sa Indiana, na bumuslo ng 62.8 percent at naipasok ang 15 sa 32 3s.