UMISKOR si Michael Porter Jr. ng game-high 25 points upang pangunahan ang bisitang Denver Nuggets sa 100-88 panalo laban sa Miami Heat noong Miyerkoles ng gabi.
Nagposte si Nikola Jokic, isang two-time NBA MVP, ng 12 points, 14 rebounds at 6 assists para sa Nuggets, na nanalo ng apat na sunod at 10 sa kanilang huling 11.
Nag-deliver ang bench ng Denver sa fourth quarter kung saan kumamada sina Reggie Jackson at Christian Braun ng tig-7 points. Nakuha ni Jackson ang kanyang 7 fourth-quarter points sa tatlong sunod na buckets. Nagtala si Braun, scoreless sa tatlong quarters, ng 3-for-3 sa fourth, kabilang ang isang 3-pointer.
Ang laro noong Miyerkoles ay rematch ng NBA Finals noong nakaraang taon, na napagwagian ng Denver sa limang laro.
Sa regular season ay tinalo ng Nuggets ang Heat sa walong sunod na pagkakataon (apat sa Miami at apat sa Denver).
Kings 120,
Lakers 107
Napantayan ni Harrison Barnes ang season-high na may pitong 3-pointers tungo sa team-high 23 points, nagtala si Domantas Sabonis ng triple-double at nalusutan ng Sacramento Kings ang late surge ni LeBron James upang pataubin ang bisitang Los Angeles Lakers.
Ang lahat ng Kings starters ay umiskor ng double figures, kabilang si Sabonis, na may 17 points, 19 rebounds at 10 assists para sa kanyang NBA-leading 23rd triple-double.
Tumapos si De’Aaron Fox na may 21 points, gumawa si Keegan Murray ng 19 at nagdagdag si Keon Ellis ng 14 para sa Kings, na umangat ng tatlong laro sa Lakers sa Western Conference playoff race at nakumpleto rin ang 4-0 season-series sweep.
Mavericks 109,
Warriors 99
Natapos ang run ng triple-doubles ni Luka Doncic, subalit sumandal ang host Dallas Mavericks sa shot-blocking nina big men Daniel Gafford at Dereck Lively II upang gapiin ang short-handed Golden State Warriors.
Nagtala sina Gafford at Lively ng pinagsamang 22 points, 14 rebounds at 9 blocks upang tulungan ang Mavericks na manalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa buong season kapag umiskor ng mas mababa sa 112 points. Nagwagi rin sila ng apat na sunod sa kabuuan.
Naitala ni Gafford ang pito sa 13 blocks ng Dallas, kinapos sa kanyang career-high ng isa. Kumana si Jonathan Kuminga ng game-high 27 points para sa Warriors, na hindi nakasama si Stephen Curry sa ikatlong sunod na laro dahil sa sprained right ankle. Naglaro rin ang Golden State na wala si Draymond Green, na isang late scratch dahil sa sore lower back.
Tumapos si Doncic, na ang pitong sunod na triple-doubles ay kinabilangan ng anim na sunod na may hindi bababa sa 35 points na iniskor, na may 21 points, 9 assists at 3 rebounds.