HEAT PINALAMIG NG PISTONS

KUMAMADA si Cade Cunningham ng triple-double at nanalasa si Tim Hardaway Jr. sa overtime upang pangunahan ang Detroit Pistons sa 125-124 pag-ungos sa Miami sa isang NBA thriller nitong Lunes na pumutol sa four-game winning streak ng Heat.

Isa lamang ito sa nail-biting finishes sa gabing naiposte ni Nikola Jokic ang kanyang ika-10 triple-double sa season para sa Denver sa 130-129 panalo kontra Sacramento Kings habang nasingitan ng Chicago Bulls ang Raptors, 122-121, sa Toronto.

Kontrolado ng Pistons ang laro sa Detroit, sa pagtarak ng 18-point lead, may 8:05 ang nalalabi sa fourth quarter.

Subalit humabol ang Heat, at naitabla ang talaan sa 114-114 sa three-pointer ni Tyler Herro, may 5.2 segundo ang natitira sa regulation.

Tumapos si Cunningham na may 20 points, 11 rebounds at career-high 18 assists para sa kanyang ika-6 na triple-double sa season.

Kumana si Malik Beasley ng pitong three-pointers tungo sa team-high 28 points upang tulungan ang Pistons na malusutan ang triple-double na 35 points, 19 rebounds at 10 assists ni Jimmy Butler.

Nagdagdag si Butler ng 4 steals at 1 blocked shot subalit nabigo ang Miami na makaangat sa Eastern Conference na pinangungunahan ng Cleveland Cavaliers, na umangat sa kanilang league-best record na 23-4 sa lopsided 130-101 victory kontra Nets sa Brooklyn.

Umiskor si Evan Mobley ng 21 points upang pangunahan ang pitong Cavs players na nagtala ng double figures.

Sa Sacramento, kumabig si reigning NBA Most Valuable Player Jokic ng 20 points na may 14 rebounds at 13 assists para aa Nuggets, na nangibabaw sa isang frantic finish na tinampukan ng pitong lead changes sa huling 1:15.

Nanguna si Jamal Murray para sa Nuggets na may 28 points, sinelyuhan ang panalo sa isang pull-up basket mula sa assist ni Jokic, may 8.6 segundo ang nalalabi.

Nakakolekta si Sacramento’s De’Aaron Fox ng 29 points, nagdagdag si Domantas Sabonis ng 28 at nagtala si Malik Monk ng 25 para sa Kings, na naghabol ng hanggang 23 sa first half ngunit umabante sa 103-96 papasok sa fourth quarter.

Samantala, sinira ng short-handed Philadelphia 76ers, pinangunahan ng 40 points ni Tyrese Maxey at ng 33 mula kay Paul George, ang pagbabalik mula sa injury ni Hornets star LaMelo Ball sa 121-108 panalo sa Charlotte.

Si Ball, may average na 31.1 points per game nang ma-strain ang kanyang alak-alakan noong November 27, ay nagbalik-aksiyon na may 15 points, 5 rebounds at 11 assists.

Nanguna si Miles Bridges sa scoring ng Charlotte na may 24 points, subalit umangat ang 76ers sa kabila ng pagliban nina star center Joel Embiid at Rookie of the Year contender Jared McCain.

Sa iba pang laro, naungusan ng Chicago Bulls ang Toronto Raptors, 122-121, upang makatabla ang Indiana Pacers sa 8th spot na may magkatulad na 12-15 records.

Nanguna si Nikola Vucevic para sa Bulls na may 24 points na sinamahan ng 5 rebounds at 3 assists.
Nagwagi ang Bulls sa kabila ng pagliban ni Zach Lavine dahil sa injury.