HEAT SA EASTERN FINALS

NAGBUHOS si Jimmy Butler ng 32 points, nagdagdag si Max Strus ng 20 points at 11 rebounds at pinataob ng top-seeded Miami Heat ang host Philadelphia 76ers, 99-90, upang makopo ang  Eastern Conference semifinals sa anim na laro nitong Huwebes.

Nag-ambag si P.J. Tucker ng 12 points habang umiskor sina Bam Adebayo at Tyler Herro ng tig-10 para sa Heat, na makakasagupa ang Milwaukee Bucks o Boston Celtics sa Eastern  Conference finals.

Umusad ang Heat, naglaro na wala si Kyle Lowry (hamstring) sa ikalawang sunod na laro, sa conference finals sa ikalawang pagkakataon sa tatlong  seasons.

“We’re not scared of nobody,” wika nl Butler sa postgame sa ESPN. “Everybody has been prepared for this all year.”

Nanguna si Joel Embiid, naglalaro na may orbital fracture at torn ligament sa kanang hinlalaki, para sa fourth-seeded Sixers na may 20 points at 12 rebounds subalit nahirapan sa kanyang shooting, at nagtala ng 7 of 24.

Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 20 points, tumipa si Shake Milton ng 15 at kumabig si Tobias Harris ng 14 para sa Sixers, na natalo sa conference semifinals sa ika-4 na pagkakataon sa huling limang taon. Umiskor si James Harden ng 11 points, bokya sa second half.

“Whenever a team loses, we all look for blame,” ani Sixers coach Doc Rivers. “I think all of us have big enough shoulders. We can take it.”

MAVERICKS 113,

SUNS 86

Tumirada si Luka Doncic ng 33 points, 11 rebounds, 8 assists at 4 steals upang tulungan ang Dallas Mavericks na maitarak ang 113-86 panalo kontra Phoenix Suns upang ipatas ang kanilang  Western Conference semifinal series sa 3-3.

Nagsalpak si Reggie Bullock ng limang 3-pointers habang nag-ambag ng 19 points at 7 rebounds para sa Dallas. Nagdagdag si Jalen Brunson ng 18 points para sa fourth-seeded Mavericks, na na-outscore ang Phoenix ng 24 points sa huling tatlong quarters ng  Game 6.

Nakalikom si Deandre Ayton ng 21 points at 11 rebounds at nakakolekta si Devin Booker ng  19 points sa 6-of-17 shooting para sa top-seeded Suns. Kumabig si Chris Paul ng 13 points ngunit gumawa ng 5 turnovers at nagbigay lamang ng 4  assists.

Lalaruin ang decisive Game 7 sa Linggo sa Phoenix. Ang home team ay nagwagi sa lahat ng anim na laro sa series.