HEAT SA GAME 1

NAGPAMALAS si Jimmy Butler ng isang solid all-around game na may 35 points, 7 assists, 6 steals at 5 rebounds upang pangunahan ang Miami Heat sa 123-116 panalo kontra host Boston Celtics sa Game 1 ng Eastern Conference finals noong Miyerkoles ng gabi.

Nagtala si Bam Adebayo ng 20 points, 8 rebounds at 5 assists para sa Heat na nakarekober mula sa 13-point, second-quarter deficit. Umiskor sina Kyle Lowry, Caleb Martin, Max Strus at Gabe Vincent ng tig-15 points para sa Miami.

Nakakolekta si Jayson Tatum ng 30 points at 7 rebounds at nagdagdag si Jaylen Brown ng 22 points, 9 rebounds at 5 fassists para sa Boston. Kumubra si Malcolm Brogdon ng 19 points, tumipa si Robert Williams III ng 14 points at 7 rebounds at nagposte si Marcus Smart ng 13 points at 11 assists para sa Celtics.

Nakatakda ang Game 2 ng best-of-seven series sa Biyernes ng gabi sa Boston.

Umabante ang Heat sa 114-105 matapos ang basket ni Butler, may 5:33ang nalalabi bago umiskor ang Celtics ng sumunod na limang puntos.

Pinutol ni Martin ang scoring drought ng Miami ng 3:23 sa pagsalpak ng 3-pointer upang ilagay ang talaan sa 117-110, may 2:10 ang nalalabi.

Pagkatapos ay kumana si Butler ng isang 3-pointer upang palobohin ang kalamangan sa 10 points, may 1:03 ang nalalabi.

Bumuslo ang Miami ng 54.1 percent mula sa field, kabilang ang 16 of 31 mula sa 3-point range.

Naipasok ng Boston ang 51.9 percent ng kanilang tira at 10 of 29 mula sa arc. Nagdagdag si Derrick White ng 11 points para sa Celtics.

Naghabol ang Miami sa 66-57 sa halftime bago na-outscore ang Boston, 46-25, sa third quarter upang kunin ang 12-point advantage.

Lumamang ang Celtics sa 71-59 matapos ang 3-pointer ni Smart, sa unang 65 segundo ng period bago nagsimulang pumutok ang Heat.

Gumamit ang Miami ng 13-1 burst upang itabla ang iskor. Pagkatapos ay bumanat ang Heat ng 10-2 run upang umabante sa 86-80 sa 3-pointer ni Strus, may 4:25 ang nalalabi sa period.

Isang 3-pointer ni Butler ang naglagay sa talaan sa 95-87, may 1:56 ang nalalabi at tinampukan ni Strus ang 17-of-26 shooting performance sa quarter sa pamamagitan ng 3-pointer, may 7.6 segundo ang nalalabi at kinuha ng Miami ang 103-91 lead papasok sa final stanza.

Humabol ang Boston sa pagkamada ng initial seven points sa fourth quarter upang lumapit sa lima subalit ito na lamang ang pinakamaganda nilang nagawa.

Umiskor si Tatum ng 18 first-half points. Tabla ang iskor sa 47 bago bumanat ang Celtics ng 15-2 run upang buksan ang 13-point lead, may 2:08 ang nalalabi sa second quarter.

Gumawa si Butler ng 15 points at nagposte si Lowry ng 13 sa first half para sa Heat.