HEAT SINUNOG ANG NETS

KUMANA si Jimmy Butler ng 31 points sa kanyang matagumpay na pagbabalik mula sa sprained toe at isinalpak ang go-ahead free throws, may 11.8 segundo ang nalalabi sa overtime, upang tulungan ang Miami Heat na maungusan ang Brooklyn Nets, 96-95, Lunes ng gabi sa  New York.

Sa kanyang unang pagsalang magmula noong Dec. 30 matapos ang  seven-game absence, tinulungan ni Butler ang Heat na makopo ang kanilang ikatlong sunod na panalo. Umiskor siya ng 21 points sa second half at overtime makaraang gumawa ang Heat ng 31 points sa opening 24 minutes para sa kanilang lowest half sa  season.

Ipinasok ni Butler ang 8 sa 12 field-goal attempts at isinalpak ang 15 sa 16 free throws, kabilang ang  go-ahead free throws makaraang malamangan ang Heat ng lima sa kaagahan ng extra period.

Isang 3-pointer ni Royce O’Neale ang nagbigay sa Nets ng 93-88 lead, may 3:51 ang nalalabi sa OT, subalit humabol ang Heat at lumapit sa 95-94 makaraang isalpak ni Tyler Herro ang isang triple, may 49.1 segundo ang nalalabi. Makaraang tawagan si Nic Claxton ng offensive goaltending, may 24.7 segundo sa orasan,  si Butler ay na-foul ni Dennis Smith Jr. at ibinuslo ang dalawang free throws.

Hindi tumawag ng timeout ang Nets at natapos ang laro nang magmintis si Mikal Bridges sa isang 10-footer sa huling 1.1 segundo.

Kinamada ni Herro ang 23 sa kanyang 29 matapos ang halftime para sa Heat, na bumuslo ng 37.9 percent overall sa kabila na kumonekta lamang ng 26.2 percent sa first half. Nag-ambag si Bam Adebayo ng  11 points at season-high 20 rebounds para sa  Heat, at nagdagdag si Herro ng  11 boards.

Umiskor si Bridges ng 26 points upang pangunahan ang  Nets, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan at ika-13 sa 16 games. Nagdagdag si Cam Thomas ng 23 habang nag-ambag si O’Neale ng 15 para sa Nets, na bumuslo ng 34 percent at ipinasok lamang ang 12 sa 55 3-point tries (21.8 percent).

Celtics 105,
Raptors 96

Nagsalansan si Jayson Tatum ng 19 points, 14 rebounds at 6 assists upang pangunahan ang bisitang Boston Celtics sa pagbasura sa Toronto Raptors.

Nagdagdag si Jrue Holiday ng 22 points at 7 assists para sa Celtics, na tinalo ang Raptors sa walong sunod na pagtatagpo. Nag-ambag si Derrick White ng 22 points, umiskor si Kristaps Porzingis ng 15 points at nakakolekta si Al Horford ng 10 points at 11 rebounds para sa Boston.

Tumabo si RJ Barrett ng 24 points at kumalawit ng 9 rebounds para sa Raptors, na nagbabalik mula sa 2-4 road trip.

Nagdagdag si Toronto’s Immanuel Quickley ng 21 points. gumawa si Pascal Siakam ng 17 points,  tumipa si Scottie Barnes ng 10 points at humugot ng 13 rebounds at nagposte si Dennis Schroder ng 13 points.

Bumuslo ang Boston ng 40.2 percent mula sa field, kabilang ang 16 of 39 (41 percent) mula sa 3-point range.

76ers 124,
Rockets 115

Humataw si Joel Embiid ng 41 points at 10 rebounds upang tulungan ang host Philadelphia 76ers na pabagsakin ang Houston Rockets.

Si Embiid ay hindi nakapaglaro sa 10 games ngayong season dahil sa pamamaga ng kaliwang tuhod. Bumalik siya upang iposte ang kanyang  17th straight game na may hindi bababa sa 30 points at ang kanyang ika-16 na sunod na may hindi bababa sa  30 points at 10 rebounds. Bukod dito, si Embiid ay umabot sa 40 points o higit pa sa ika-7 pagkakataon ngayong season.

Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 27 points habang umiskor si Patrick Beverley ng 11 at nag-ambag si Tobias Harris ng 10.

Ang Sixers ay naglaro na wala sina  Robert Covington (knee), Mo Bamba (knee) at  De’Anthony Melton (spine).

Nanguna si Jalen Green para sa Rockets na may 20 points at nagdagdag si Alperen Sengun ng 19 points, 9  rebounds at 6 assists. Nagposte si Dillon Brooks ng 18 points, nag-ambag sina Amen Thompson at Cam Whitmore ng tig-14 at umiskor si Jabari Smith Jr. ng 13.