NAG-INIT si Jimmy Butler at ang Miami Heat sa huling sandali upang pataubin ang Chicago Bulls, 102-91, at umabante sa NBA playoffs nitong Biyernes.
Nakopo ng Miami ang eighth at final seed sa Eastern Conference upang maisaayos ang duelo sa top seeded Milwaukee Bucks simula sa Linggo.
Nagbuhos sina Butler at Max Strus ng tig-31 points para sa Heat na tinapos ang laro sa 15-1 surge. Umiskor si Butler ng 22 points sa second half at kumamada si Strus ng 23 sa first. Nagsalpak si Strus ng anim na 3-pointers sa first half at pito sa kabuuan.
Nagtala si DeMar DeRozan ng 26 points at 9 assists para sa Chicago, na 3-0 kontra Heat sa regular season. Umiskor si Alex Caruso ng 16 points, gumawa si Zach LaVine ng 15 lamang sa 6-of-21 shooting, nag-ambag si Coby White ng 14 points at kumabig si Nikola Vucevic ng 12 points at 9 rebounds para sa Bulls.
Nakakolekta si Bam Adebayo ng Miaml ng 17 rebounds habang nagdagdag si Tyler Herro ng 12 points, 8 rebounds at 7 assists.
Dinomina naman ng Minnesota Timberwolves ang Oklahoma City Thunder upang kunin ang kanilang postseason berth.
Makakaharap ng Minnesota ang Western Conference top seeds Denver sa first round ng playoffs kasunod ng 120-95 pagbasura sa Oklahoma City.
Kumana si Karl-Anthony Towns ng 28 points, 11 rebounds at 3 blocked shots habang nagdagdag si Rudy Gobert ng 21 points at 10 rebounds sa kanyang unang appearance magmula nang magsilbi ng one-game suspension dahil sa panununtok kay teammate Kyle Anderson sa laro noong Linggo kontra New Orleans Pelicans. Nagposte si Anthony Edwards ng 19 points, 10 rebounds at 6 assists para saTimberwolves.
Umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng Oklahoma ng 22 points. Nagtala lamang siya ng 5-of-19 shooting at dagling lumabas sa third quarter makaraang masiko ni Gobert sa kanang bahagi ng mukha na nag-iwan ng malalim na hiwa at pamamaga sa ilalim ng mata ng Thunder star.
Tumipa sina Luguentz Dort at Jalen Williams ng tig-17 points at kumamada ng apat na 3-pointers para sa Oklahoma.
Nagdagdag si Mike Conley ng 14 points para sa Minnesota. Kumubra si Nickeil Alexander-Walker ng 12 points at tumipa si Anderson ng 11 para sa Timberwolves, na naipasok ang 51.8 percent ng kanilang tira at 13 of 32 mula sa arc.