PINANGUNAHAN ni Bam Adebayo ang fourth-quarter fightback at ipinagkibit-balikat ng Miami Heat ang injury ni Jimmy Butler upang maungusan ang nangungunang Boston Celtics, 98-95, nitong Martes.
Ang Miami ay nayanig sa pag-atras ni Butler ilang sandali bago ang tip-off sa Florida kung saan naghanda sila para harapin ang Eastern Conference leaders at paborito para sa NBA crown ngayong taon.
Subalit nag-step up si Adebayo na may 30-point performance at ipinalasap ng Miami sa Boston ang ikalawang sunod na kabiguan kasunod ng pagkatalo sa Orlando noong Lunes.
Ang produksiyon ni Adebayo ay kinabilangan ng krusyal na kontribusyon sa huling sandali kung saan binura ng Miami ang 10-point deficit, mahigit walong minuto na lamang ang nalalabi upang selyuhan ang hard-fought victory.
Ang scoring ng Boston ay pinangunahan ni Jayson Tatum na may 31 points habang nag-ambag si Derrick White ng 23 points.
Winelcome ng Celtics ang pagbabalik ni Robert Williams mula sa injury subalit hindi nakasama sina defensive stalwart Marcus Smart, Al Horford at Malcolm Brogdon.
Sa panalo ay umangat ang Miami sa 27-22 at sixth sa Eastern Conference.
Nuggets 99, Pelicans 98
Bumalik si Nikola Jokic mula sa two-game injury absence upang pangunahan ang Denver Nuggets sa nail-biting 99-98 win kontra New Orleans Pelicans.
Isinalpak ni Jokic ang isang jump shot, may 16.9 segundo ang nalalabi, upang bigyan ang Denver ng one-point lead — at ng panalo — matapos ang Pelicans fightback sa fourth quarter.
Knicks 105, Cavaliers 103
Sa Madison Square Garden, nagbuhos si Julius Randle ng 36 points upang tulungan ang New York Knicks na pataubin ang Cleveland Cavaliers.
Umiskor sina Donovan Mitchell at Jarrett Allen ng tig- 24 points para sa Cavs, subalit hindi ito sapat para maagaw ang panalo sa Knicks, na tumatag sa Eastern Conference playoff hunt, isang panalo ang pagitan sa Miami.