TAGUIG CITY – UPANG matiyak ang kaligtasan sa Metro Manila, itinaas na rin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang alerto kasunod ng dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 20 katao at ikinasugat ng halos 100 na iba pa.
Paliwanag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Guillermo Eleazar, bukod sa pagbibigay ng seguridad, layunin din nito na palakasin ang checkpoint, patrols, coordination with the military, at intelligence gathering katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Inatasan na rin ang mga pulis na kanselahin ang kanilang vacation leave.
Kahapon ng umaga ay nagtungo na si PNP Chief, Director General Oscar Albayalde sa Jolo, Sulu at personal na siniyasat ang sumabog na Our Lady of Mount Carmel Church.
Sa isang panayam kay Albayalde, kanilang kinukumpirma kung ang isa sa mga pari na nagmimisa sa nasabing simbahan ang puntirya ng pagpapasabog.
Lalo na’t may ulat na may natatanggap nang mga banta sa pari.
Samantala, as of 9 am kahapon, sa panayam kay Albayalde, inamin nito na kanila pang kinakalap ang mga ebidensiya upang matukoy kung sino ang may kagagawan ng pagsabog.
Isa aniya ang malinaw na granada ang ginamit habang ang mga spare parts ng cellphone na natagpuan sa blast site ay hindi masasabing ginamit para i-detonate ang bomba dahil posibleng mula ito sa deboto na nagsimba.
Sa panig ng militar, naniniwala ang mga ito na Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagpapasabog. EUNICE C.
Comments are closed.