(Heigtened alert hanggang Undas) 187K PULIS DINEPLOY NGAYONG CAMPAIGN PERIOD

MAHIGIT 187,000 pulis ang ikakalat sa buong bansa para tiyakin ang kaligtasan ng mga kandidato at publiko sa panimula ng campaign period ngayong araw para sa Barangay and Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).

Ayon kay Philippine National Police Public Information Office Chief Colonel Jean Fajardo, ang nasabing bilang na dineploy ay para sa sampung araw na pangangampanya.

Ang campaign period ay magwawakas hanggang Oktubre 28.

Kinumpirma rin ni Fajardo na heightened alert na rin ang PNP para matiyak na ligtas ang pangangampanya ng mga kandidato at maging ang publiko.

Mananatili ang mataas na alerto mula sa halalan sa Oktubre 30 hanggang sa araw ng Undas.

Nagpaalala naman si PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa mahigit 128,000 tauhan nito na non-partisan o apolitical ang organisasyon kung kaya’t walang kikilingan kundi magbabantay lamang ng seguridad ng publiko.
EUNICE CELARIO