HELICOPTER BUMAGSAK: 2 PILOTO PATAY

CAVITE- DEAD on the spot ang piloto ng isang R22 Robinson Helicopter habang naisugod pa sa pagamutan ang co-pilot nito na sa huli ay idineklara na rin patay matapos na mag-crash landing ang sinasakyan kahapon ng umaga sa Draga Reclamation Area, Brgy. 57, Cavite City.

Kinilala ang nasawing piloto na si Lt. John Kyle Borres, 36-anyos, tubong Cebu City, miyembro ng Philippine Navy at kasalukuyang naka-assign sa Naval Airway Sangley Point, Cavite City.

Habang kinilala rin ang co-Pilot nito na si ENS. Izzah Leonah Taccad, 27-anyos, tubong Tumauin, Isabela at isa ring miyembro ng Philippine Navy na namatay habang ginagamot sa pagamutan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya ng Cavite City, nagsasagawa umano ng training flight kahapon ang dalawang piloto mula sa Sangley Point nang mag-emergency landing ito sa isang malaking bakanteng lupa sa likurang bahagi ng Cavite City Public Market, subalit hindi na nito nakayanan ang mabilis na pagbulusok pababa na naging dahilan ng kanilang pagkasawi.

Isinailalim na sa temporary grounded ang lahat ng aircraft habang patuloy na nagsasagawa ang mga awtoridad ng malalimang imbestigasyon. SID SAMANIEGO