(Year Ender Report / Part 1)
MALAS daw ang 2020, at palagay ko ay marami ang kokomporme rito. Sabi kasi sa Chinese calendar, ang 2020 ay Year of the Rat, at kada100 taon, ang mga taong ipinanganak sa ilalim ng animal zodiac na ito ay mamalasin sa halip na swertehin. Kasi naman, nagalit sa kanila si Tai Sui, ang diyos ng panahon (God of Age). Sabi sa Chinese astrology, sumumpa si Tai-sui na tuwing madodoble ang numero ng taon na matatapat sa Year of the Rat, katakot-takot na kamalasan ang sasapitin nila.
Kung tutuusin, hindi naman lahat ng nangyari sa 2020 ay puro kamalasan. Mayroon ding matatawag na silver lining. Ang ibig kong sabihin, sa kabila ng sangkaterbang kamalasan, may mabuti rin namang nangyari. Halimbawa, ang mga nanay at tatay na hindi makutaptapan sa bahay ay stay at home na ngayon. ‘Yung mga anak na lagi na lang kasama ng kabarkada, kasabay na ngayong kumakain sa hapag kainan. ‘Yung mga hindi mo magawa dati dahil masyado kang busy, aba, natapos mo rin! In other words, hindi masyadong pangit ang year 2020.
Matatapos ang taon, at matatapos na ang sumpa ni Tai-sui. Totoong maraming tao ang magsasabing minalas sila ngayong taong ito – pinakamalas na yatang naranasan nila sa buong buhay nila. Siguro, dahil sa COVID 19 pandemic. Pero hindi lamang iyan. Marami pang ibang dahilan.
Ang 2020 ay tulad lang ng 1616, 1717, 1818, at 1919, na naulit ang unang dalawang digits ng ikatlo at ikaapat na digits. Minsan lamang mangyari ito sa loob ng 100 taon, at kung buhay ka ngayong panahong ito, maswerte ka dahil hindi na uli ito mangyayari sa buhay mo kahit kailan.
Pero hello 2021, goodbye 2020 nga ang title natin, kaya magre-recap tayo kung ano ba ang mga nangyari sa Filipinas noong nagdaang taon?
Noong Enero nagpa-cute ang Taal Volcano, pero hindi ito ang simula ng events kaya chronological order muna tayo.
Umpisahan natin sa January 7 nang tanggalin sa posisyon ng Philippine Army si 2nd Infantry Battalion commanding officer Lieutenant Colonel Napoleon Pabon, dahil umano sa pagmamanipula ng litrato ng 300 miyembro ng New People’s Army sa Masbate na sumuko noong December 2019. Kinabukasan, January 8, pinirmahan ni President Rodrigo Duterte ang Salary Standardization Law of 2019, kung saan itinaas ang sweldo ng mahigit 1.4 million government employees.
Habang nagsasaya ang karamihan sa mga Batangueno noong January 12, pumutok ang Bulkang Taal na itinaas ng PHIVOCS sa alert level 4 hanggang January 26. Ito na ang pinakamalakas ng pagputok ng Taal Volcano mula pa noong 1977. Personal na naranasan ng inyong lingkod ang pangyayaring ito dahil taga-Batangas ako. Dahil sa tindi ng epekto nito sa mga Batangueno, pinirmahan ni Pres. Duterte ang Proclamation No. 906 noong February 21, na nagdeklara ng state of calamity sa buong CALABARZON sa loob ng isang taon.
Enero 15, ipinagbawal ng gobyerno ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait matapos lumabas sa awtopsiya ng National Bureau of Investigation, na may nangyaring pang-aabuso sa OFW na si Jeanelyn Villavende bago ito pinatay. Nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Filipinas at Kuwaiti government at noong Pebrero 13, tinapos na ang ban matapos mangako ang Kuwaiti government na magkakaroon ng maayos na kundisyon ang mga OFWs sa kanilang bansa.
Nakakita ng butas ang Department of Justice (DOJ) noong Enero 16 para kasuhan si dating Philippine National Police chief Police General Oscar Albayalde at 12 iba pang opisyal ng pulisya sa umano’y maanomalyang anti-drug operation sa Pampanga noong November 2013.
Tinanggal sa serbisyo ng Ombudsman ang tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na sina Ramoncito Roque, Maribel Bancil at Veronica Buño noong January 20, kaugnay ng kwestyonableng pagpapatupad ng kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA), noong August 2019.
Pinawalang sala naman ng Sandiganbayan si dating Philippine National Police chief Alan Purisima noong January 21 at Special Action Force chief Getulio Napeñas sa kasong graft at usurpation na kinasasangkutan ng anti-terrorist operation na ukinamatay ng SAF Commando 44 sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015.
Sa kabila ng maaanomalya at kontrobersyal na balita, pinirmahan noong Enero 22 ni President Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11467, na muling nagtataas ng buwis sa mga nakalalasing na inumin.
Hinatulan ng Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) Branch 88 sina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao, mga recruiter ng OFW na si Mary Jane Veloso, na guilty sa kasong illegal recruitment, na hiwalay namang isinampang kaso nina Lorna Valino, Ana Marie Gonzales, at Jenalyn Paraiso.
Sumapit ang Pebrero nang ideklara ng provincial government ng Davao Occidental na sasailalim sila sa state of calamity dahil sa African Swine Fever outbreak.
Binatikos naman ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga taong may kinalaman sa tangkang pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna mayor na si Antonio Sanchez, na siyang mastermind sa panggagahasa at pagpatay noong June 1993 kina UPLB students Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Nahukay ng mga archeologist na pinangungunahan ng National Quincentennial Committee, ang mga labi ng Filipinong gerilya sa WW2 at siyentipikong si Maria Orosa sa compound ng Malate Catholic School sa Maynila, 75 taon matapos siyang mamatay noong Pebrero 13, 1945.
Nilinis ng DOJ ang pangalan nina Vice President Leni Robredo at iba pang oposisyon sa kasong sedisyon, ngunit nadiin si dating senador Antonio Trillanes IV at 10 iba pa sa kasong conspiracy to commit sedition upang mapatalsik si Duterte. Pebrero 14, nag-isyu ng warrant laban kay Trillanes at 9 na iba pa ang Quezon City court. Nagpakulong si Trillanes ngunit nagbayad ng piyansa matapos ang apat na araw.
Inanunsyo ng Filipinas noong February 11 na tatapusin na ang Visiting Forces Agreement sa U.S., pero binawi rin ito noong Hunyo 1.
Binuksan naman ni Pres. Duterte ang Sangley Airport sa Cavite.
Nilagdaan ni Duterte ang Executive Order No. 104, o “Improving Access to Healthcare Through the Regulation of Prices in the Retail of Drugs and Medicines,” na nagtatakda ng limitasyon sa presyo ng gamot. Noong araw ding iyon, ibinulgar ni Senator Risa Hontiveros ang umano’y “pastillas” modus operandi sa loob ng Bureau of Immigration kung saan pinapayagang makapasok sa bansa ang mga Chinese nationals kung magbabayad ng ₱10,000 bawat isa. Dahil dito, pinatalsik ni Duterte ang lahat ng Immigration officials at empleyadong sangkot sa anomalyang pagbibigay ng VIP treatment sa mga turistang Chinese.
Ikinasa rin ni Duterte ang Executive Order No. 106, na nagbabawal sa paggamit ng vape sa publiko, at pagbabawal sa pagbebenta at paggawa ng mga hindi rehistradong sigarilyo. Sinimulan ng Senate public services committee ang pagdinig sa mga isyung nakapaloob sa franchise renewal ng ABS-CBN Broadcasting Corporation. Humingi ng tawad ang ABS-CBN kay Duterte noong Pebrero 26 dahil sa hindi pag-eere ng kanyang campaign ads noong 2016 presidential election.
Sa huling araw ng Pebrero, ika-28, pinawalang sala ng Sandiganbayan si dating PNP chief Alan Purisima sa kasong eight counts of perjury dahil sa hindi paglalahad ng kanyang yaman sa loob ng anim na taon.
Buwan ng Marso, labis na nakaaalarma ang COVID 19.
Marso 9, pinirmahan ni Duterte ang Proclamation No. 922, na nananawagan ng public health emergency dahil sa dumaraming kaso ng coronavirus disease 2019 sa bansa. Agad din idineklara ang Code Red Sublevel 2 bilang tugon sa COVID-19 pandemic noong Marso 12 . Inisyu ang partial lockdown sa Metro Manila upang naiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit. Ilang araw lamang ang nakalipas, Marso 16, bird flu o H5N6 avian flu naman ang inireport ng Department of Agriculture (DA), na lumalaganap sa Jaen, Nueva Ecija.
Dahil sunod-sunod ang mga pangyayari, pinirmahan ni Duterte ang Proclamation No. 929, na nagsailalim sa buong bansa sa state of calamity. Kaugnay ng lumalalang COVID-19, at noong Setyembre 16, pinirmahan din niya ang Proclamation No. 1021, na nag-extend hanggang Setyembre 12, 2021, sa nasabing state of calamity status.
Nag-isyu ang National Telecommunications Commission (NTC) ng Memorandum Order, na lahat ng broadcast and communications companies ay may karapatang manatili sa ere at awtomatikong mari-renew ang permit sa buong Luzon dahil sa community quarantine.
Sa isang espesyal na sesyon noong March 23, tinalakay ng mga senador ang pagpapasa sa Bayanihan to Heal as One Act (Republic Act No. 11469). Sa nasabing batas, binigyan ng karagdagang kapangyarihan ang pangulo na palakasin ang responde sa COVID-19 pandemic matapos ipasa ng Kongreso sa loob lamang ng isang araw na sesyon. Marso 15, isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon, kasama na ang Metro Manila.
Sa kabila ng napakaraming problema, umarangkada naman ang Diwata-1, kauna-unahang micro-satellite ng bansa, noong April 6. Gawa ng mga Filipinong siyentipiko ang Diwata-1 micro-satellite na kayang obserbahan ang paligid ng mundo, lalo na ang atmospera.
Nagsimula na ng mass testing processes ang gobyerno noong Abril 14 sa mga taong hinihinalang may COVID-19. Noong Abril 17, nagsagawa ang Supreme Court ng special online en banc session, sa unang pagkakataon, sa loob ng 119 taong kasaysayan ng judiciary, upang maisaayos ang mga urgent matters sa kabila ng malawakang lockdown sa Luzon dahil sa COVID-19. (Itutuloy)
Comments are closed.