QUEZON – Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang boy/helper na menor matapos itong barilin ng kanyang amo sa loob mismo ng inuupahang apartment ng suspek sa may No. 5 Ramirez Apartment, Brgy. 11, Lucena City.
Kinilala ng Lucena-PNP ang nasawing biktima na si Arnel Permeron,16-anyos, tubong Kurbada, Purok 6, Paracali, Camarines Norte.
Nakilala naman ang suspek na si alyas Niño Benito, 30-anyos, isang veterinary personnel at residente ng nabanggit na lugar.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, magkasama pa ang suspek at biktima ng dumating at pumasok ng apartment bago nangyari ang insidente, makalipas ang ilang sandali bandang alas-10:00 ng gabi ay narinig umano ng katabing residente na sumisigaw ang suspek na tila kinakagalitan at nakikipagtalo sa biktima.
Ilang sandali pa ang lumipas ay nakarinig ng mga putok ng baril ang kapitbahay at kasunod nito ay nakita nila na mabilis na lumabas ng kanyang apartment ng suspek, maya-maya ay dumating naman ang isa pang boy ng suspek at nakita nito ang kasamahan na naliligo sa sariling dugo sa parteng kusina ng apartment.
Mabilis na isinugod si Permeron sa ospital subalit binawian na ito ng buhay, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis upang mabatid ang tunay na motibo ng pamamaril at madakip ang tumakas na suspek. BONG RIVERA