MALABON CITY – HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang helper matapos barilin ng hindi kilalang suspek sa harap mismo ng kanyang kainuman.
Batay sa report ng pulisya ang biktima na hindi umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tama ng bala sa dibdib at kilikili ay nakilalang si Mark Ogaya, 39, ng no. 75 General Borromeo St., Brgy. Longos.
Sa imbestigasyon nina PSSgt. Richard Andrew Calaycay at PSSgt. Ernie Baroy, dakong alas-7:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Rodeo Motors Tracking Surplus Japan sa Gen. Borromeo Street.
Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kasamahan sa loob ng naturang lugar nang dumating ang hindi kilalang suspek at walang sabi-sabi itong binaril sa dibdib at kilikili sa harap mismo ng mga kainuman.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksiyon habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan.
Patuloy naman ang follow-up na imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. EVELYN GARCIA
Comments are closed.