QUEZON- BINURDA ng saksak hanggang sa mapatay ang isang binatang helper ng kanyang katrabaho sa bukid sa may Brgy. Guis-Guis San Roque, Sariaya nitong Huwebes ng hapon.
Dead on the spot ang biktimang si Romar Dela Peña , 28-anyos, taga Brgy. Sta. Catalina Sur, sa bayan ng Candelaria, Quezon dahil sa mga tama ng saksak.
Ayon sa report ni Maj Romar Pacis, hepe ng Sariaya police, nagpapahinga ang biktima sa kanyang tent sa palayan na kanyang pinagtatrabahuhan nang puntahan at saksakin ito ng suspek na si Richard Cardenas alyas Burdado, nasa hustong edad na residente at tubong Barangay Banban,Gumaca,Quezon.
Nagtamo ang biktima ng maraming mga tama ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan at braso na agad nitong ikinamatay.
Agad din tumakas ang suspek matapos ang krimen at kasalukuyang subject ng manhunt operation ng pulisya.
Ayon pa rin sa hepe ng pulisya na alitan sa kanilang trabaho ang sinasabing motibo sa krimen at nangako naman ang pamilya ng suspek at employeer nito na kanilang isusuko si Cardenas kung sakaling matagpuan.
Ito ang ikalawang krimen na naganap sa nasabing barangay sa loob ng 5 araw.
Matatandaang noong nakaraang Biyernes, mismong ang barangay chairman na si Benedicto Alcaide Robo ng nasabing Barangay Guisguis San Roque ang nasawi matapos na ito ay barilin ng isang lalaking kanyang sinaway dahil sa pag-aalburuto sa opening ng paliga ng basketball sa kanilang basketball court.
Sinampahan na ng Sariaya PNP ng kasong murder ang suspek na si Marvin Fajarda Flores na bumaril sa barangay chairman na patuloy pa ring pinaghahanap ng mga pulis.
Naglaan naman ng pabuyang P200K ang lokal na pamahalaan ng Sariaya,Quezon sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng naturang suspek na hindi pa rin nahuhuli hanggang sa kasalukuyan. BONG RIVERA