PAGKATAPOS sumabog ang isyu sa pagbibigay ng VIP treatment sa ilang Chinese nationals na pumapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng ilang Immigration officials, agarang umaksiyon si Bureau of Immigration chief Jaime Morente at nag-utos siya ng total revamp sa lahat ng mga tauhan nila sa NAIA Terminals 1,2 at 3. Ayon kay Morente, ito ay pagpapatunay na tuloy-tuloy ang reporma na kanyang isinasagawa sa kanyang ahensiya.
Ani Morente, sakop ng nasabing balasahan ang lahat ng BI personnel sa mga terminal ng NAIA mula sa Port Operations Division (POD), Terminal Heads pati na rin ang mga nagbabantay sa mga counter ng Immigration kung saan dumadaan ang lahat ng mga pasahero na nag-landing sa NAIA. Saludo ako sa hakbang na ginawa ni Morente.
Ito ay kasunod ng pagsisiwalat umano ng isang tauhan ng BI na si Alison Chiong na kinanlong ni Sen. Risa Hontiveros upang sabihin ito sa isang hearing sa Senado.
Sa pagsisiwalat ni Chiong, may mga tiwaling BI employee na nag-aasikaso sa mga Chinese national na pumapasok sa NAIA upang magtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na hindi kumpleto ang papeles o dokumento. Ayon sa balita, may padulas umano sila na P10,000 na nakarolyo na parang pastillas kaya naman ginamit ito bilang bansag sa nasabing kalakaran.
Malinis ba si Chiong?
Bagama’t nagkaroon ng mabilis na aksiyon ang hepe ng BI, sa palagay ko ay kailangan din nating pag-isipan nang malalim at pag-aralan nang husto ang pagpapasabog sa nasabing ‘pastillas’ scheme. Kamakailan, may mga nabasa akong balita na tila may mas malalim pa na isyu sa likod nito. Ayon sa isang kongresista na ayaw ipabanggit ang kanyang pangalan, tila may bahid poltika ang ginawa ni Sen. Hontiveros.
Hindi ito nalalayo sa binitawang salita ni Sen. Bong Go laban kay Minority Floor Leader Sen. Frankiln Drilon sa kanyang inihain na resolution tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN. Ayon kay Sen. Go, amoy na amoy niya ang pamumulitika sa ginagawa ni Drilon. Tulad din ng ginawa ni Sen. Hontiveros, tila sinadya niya ang pagsisiwalat ng ‘Pastillas’ ilang araw bago natin gunitain ang EDSA People Power noong ika-25 ng Pebrero. Isinabay rin ang malaking rally ng ilang artista at mga empleyado ng ABS-CBN sa harap ng kanilang istasyon.
May nakalap din akong balita na itong si Alison Chiong ay hindi mo rin masasabi na malinis o walang alam sa tiwaling kalakaran sa loob ng BI. Si Chiong ay nakapasok sa BI noong 2012 sa pamumuno ni dating BI Commisioner Ricardo David na kilalang malapit kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Marami pang umiikot na balita tungkol sa kanyang personalidad at iba pang kaduda-dudang bisyo. Marahil sa susunod ay makakakuha pa tayo ng mabigat na ebidensiya sa tunay na pagkatao ni Chiong.
Comments are closed.