HEPE NG NCRPO, PNP-ACG ‘SIBAK’ SA PUWESTO

PANSAMANTALANG inalis sa kanilang puwesto ang dalawang senior of­ficers ng Philippine National Police (PNP).

Kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief BGen. Jean Fajardo na pinatawan ng 10-araw na suspensyon sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Sidney Hernia at PNP Anti-Cybercrime Group Director Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga.

Base sa inilabas na kautusan sa dalawang ge­neral ng PNP, epektibo kahapon ang administrative relief sa mga ito.

Dahil dito, pansamantalang papalit sa dalawa ang kanilang mga deputy bilang Officer-In-Charge sina BGen. Reynaldo Tomondong sa NCRPO at Col Vina Guzman sa PNP-ACG.

Gayunpaman, paglili­naw ni Fajardo na hindi parusa ang administrative relief sa dalawa kundi upang bigyan-daan ang imbestigasyon.

“Kapag ang PNP personnel ay nag-a undergo ng imbestigasyon or there are cases against them, there are two options, one is putting restrictive custody or isasailalim sila sa administrative relief to give way the investigation,” dagdag ni Fajardo

Dagdag ni Fajardo, si Lt. Gen. Michael Dubria, ang OIC Office of the PNP Chief at acting Deputy Chief for Operation ang mangunguna sa imbestigasyon.

Ang imbestigasyon ay kaugnay operasyon ng PNP – ACG at NCRPO noong Oktubre 29 sa isang establisimiyento sa Maynila na pinaghihinalaang pugad ng online scam.

Aabot sa 69 dayuhan ang naabutan sa raid na kalauna’y pinakawalan din dahil wala pang maisampang kaso laban sa kanila.

EUNICE CELARIO