HINDI dahil sa katiwalian, kundi maruming tanggapan ang sanhi ng pagtanggal ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Major General Guillermo Eleazar sa commander ng isang istasyon ng pulisya sa Pasig City.
Sorpresang inspeksiyon ang ikinasa ni Eleazar sa presinto at nakita nito ang mga bote ng alak at tubig at balat ng mga pagkain at iba pang kalat sa paligid.
Hindi naabutan ni Eleazar ang station commander na si Captain Eleno Ilustrisimo kaya ang napagalitan ay ang dalawang tauhan nito na naka-duty.
Ayon sa NCRPO chief, nasita na niya dati ang istasyon dahil sa maruming paligid pero nag-“strike two” pa ito kaya sinibak niya sa puwesto ang opisyal.
Tinanggal naman ng hepe ng Pasig Police ang desk officer at administrator ng maduming istasyon ng pulisya.
Samantala, marumi rin ang isa pang presinto sa Quezon City.
Ayon kay Eleazar, puro kalat sa paligid ng istasyon, may plastic na nakasabit sa kisame at may nakalagay na pamatay ng langaw sa white board.
Sinabihan ng opisyal ang mga pulis na ang gusto niyang makita sa bawat istasyon ay sobrang kalinisan.
Malaki aniya ang epekto ng kalinisan sa trabaho ng mga pulis at sa tingin ng publiko sa pulisya.
Target aniya ng pulisya na patuloy na bumalik ang tiwala ng mga tao sa mga pulis. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.