HEPE NG PNP CUSTODIAL CENTER SINIBAK

SINIBAK kahapon ni Philippine National Police (PNP) General Rodolfo Azurin Jr., ang hepe ng PNP Custodial Center kasunod ng tangkang pagtakas ng tatlong detainees at hostage-taking kay Senador Leila de Lima kamakalawa ng umaga.

Ni-relieve sa puwesto si Lt. Col Patrick Ramillano, ang pinuno ng PNP Custodial Facility .

“Administratively po ay ni-relieve po natin yung chief ng custodial service unit para sa ganoon po ay malaman po natin kung ano ho ba yung mga naging lapses po sa pag-implement ng security po sa custodial center natin,” pahayag ni Azurin.

Ayon sa PNP chief, bahagi ito ng proseso habang gumugulong ang imbestigasyon hinggil sa naganap na brief hostage taking incident kay de Lima.

Sa ngayon, naka-heightened alert ang buong Kampo Crame matapos ang naturang insidente.

Aminado si Azurin na may pagkukulang sa ipinatupad na seguridad sa kanilang detention facility kung kaya’t nangyari ang hostage taking kay De Lima.

Dahilan kaya ipinag utos nito na silipin ang lahat ng security protocols upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.

Kabilang sa mga rerepasuhin ay ang paraan ng pagpapakain sa mga detainee at ang pagpapairal ng buddy buddy system sa oras na pagpapakain ng detainees.

Sinabi ni Azurin na base kasi sa karanasan kamakalawa ng hapon, pinagtulungan ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group na nagtangkang tumakas mula sa kanilang custodial facility si Cpl. Roger Agustin kung saan pinagsasaksak ito ng tinidor.

Aniya, sa pamam­agitan ng buddy system ay hindi na magagawa pang pagtulungan ang mga pulis na napag-alaman na hindi mga armado na bahagi ng kanilang security protocols. VERLIN RUIZ