HEPE NG TANOD TODAS SA BALA

QUEZON – DEAD on the spot ang hepe ng barangay tanod matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek habang  pauwi sa kanilang bahay sa may Sitio Tabura Sila­ngan, Brgy. Del Rosario, bayan ng Tiaong ka­makalawa ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Isidro Maca­tangay Girao, 50-anyos at residente ng nabanggit na lugar.

Base sa report ng Tiaong PNP, dakong ala- 6:40 ng umaga ang biktima ay nagtungo sa kanyang lupang taniman ng palay at habang papauwi ay biglang sumulpot ang suspek at paulit ulit na binaril ang tanod.

Nagtamo ng mara­ming tama ng bala sa ibat ibang parte ng katawan ang hepe ng tanod na naging sanhi ng agad nitong kamatayan.

Napag-alaman na ang biktima ay dati ng may kasong frustrated murder at ito ay naaresto ng mga awtoridad.

Sa salaysay naman ng Brgy. Chairman na si Rico Macaraig, nakarinig sila ng sunod sunod na putok ng baril sa pinangyarihan ng krimen kung kaya kaagad itong itinawag sa pulisya.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari at binalikan ang lugar na dinaanan ng biktima kung may makukuhang mga ebidensya sa CCTV upang ma­kilala ang tumakas na suspek matapos ma­isagawa ang krimen.

BONG RIVERA