HERBOSA BIGONG MAKALUSOT SA CA

BIGONG  makumpirma ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Health (DOH) Secretary Teodoro Javier “Ted” Herbosa dahil sa kawalan ng oras.

Kinumpirma ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri, chairman ng CA, subalit maari namang talakayin ang appointment ni Herbosa kapag nagpatuloy ang sesyon ng Kongreso sa Nobyembre.

Sinabi rin ni Senador Christopher “Bong” Go, nanguna sa pagdinig ng CA committee, na kulang na sila sa oras para talakayin ang ad interim appointment ni Herbosa.

Dahil dito, kailangang muling italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si Herbosa dahil magtatapos ang sesyon ng Kongreso sa September 30.

Sa panayam, tumanggi si Go na sabihing na-bypass o na-defer ang appointment ni Herbosa at sinabi lamang na sinuspinde ang pagdinig dahil maraming miyembro ang gustong magtanong kay Herbosa.

“Sa kasalukuyan po suspendido po ang hearing, due to lack of material time. daming questions eh,” pahayag ni Go nang makapanayam ng mga reporter.

“Yes [reappointed by the President]. Once na mareappoint po sya pwede na po sya ipagpatuloy dahil suspended lang naman yung hearing kanina ,” dagdag pa niya.

Samantala, nanawagan ang Alliance of Health Workers (AHW) sa CA na ibasura ang appointment ni Herbosa bilang pinuno ng DOH.

“With Herbosa in DOH for three months now as DOH appointed Secretary, we see no change.

Health workers are still overworked and underpaid, the much needed and long delayed health emergency allowance is not yet provided. Health workers’ miserable situation remains,” sabi ni Robert Mendoza, AHW national president.

Ayon sa AHW, bigo umano si Herbosa na idepensa ang nakalakaing P13.9 bilyong ibinwas sa panukalang 2024 budget sa DOH.

Binanggit ng grupo ang P10 bilyong budget cut sa 69 ospital na pinamamahalaan ng DOH, ang 1.7 bilyong bawas pondo sa specialty hospitals at ang P2 bilyong budget cut sa Philippine General Hospital (PGH).

Kinuwestiyon ng grupo ang P8 milyong bawas sa Philippine National Aids Council, at P148-milyon naman sa National Nutrition Council.
VICKY CERVALES