HERBOSA: HINDI NA KAILANGAN NG PURCHASE BOOKLET PARA SA SENIOR MEDICINE DISCOUNT

Inihayag ngayon ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa na nilagdaan niya ang isang bagong administrative order (AO) ng Department of Health (DOH) para tanggalin ang pangangailangan ng purchase booklet para sa mga senior citizen na gagamit ng kanilang discount sa mga gamot, kasunod ng Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Tinatanggal ng DOH AO No. 2024-0017 ang pangangailangan para sa mga senior citizen na magpakita ng purchase booklet sa mga botika, na dati’y kasama ng valid ID at reseta ng doktor, upang makakuha ng diskwento.

“Senior citizen rin ako. Alam kong mahirap laging magdala ng purchase booklet. Kailangan ng mga nakatatanda ang diskwento sa kanilang mga gamot, at dapat madali nating makuha iyon,” ani Secretary Herbosa. “Sa ngalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kami sa DOH ay nagbibigay ng regalong ito ng kaginhawahan at mas abot-kayang gamot sa lahat ng ating mga senior citizen. Maligayang Pasko po!” pagtatapos ng Health Chief.