MALABO pang maabot ng Pilipinas ang herd immunity para sa mga nabakunahan kontra COVID-19.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Dr. Ted Herbosa, Special Adviser ng National Task Force Against COVID-19 na batay sa huling tala ay nasa 51 milyong Pilipino pa lamang ang fully vaccinated at 2.8 milyon ang nakatanggap ng booster shots.
Malayo pa ito sa kabuuang bilang ng mga Pilipino na kailangang mabakunahan na nasa 110 milyon.
Samantala, para naman sa posibleng pagtaas pa sa alert level 4 ng Metro Manila, sinabi ni Herbosa na posible itong ipatupad.
Nangungunang dahilan ang pagdami ng nagkakasakit lalo na ang mild cases at asymptomatic.
Nitong linggo, aabot sa 28,707 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa dahilan para sumampa na sa 2,965,447 ang kabuuang kaso.