HERMOSA, CHICANO NAGPASIKLAB SA NAGT

Triathlon

IMPRESIBONG nadominahan ni Matthew Justine Hermosa ang Men Super Sprint habang nangibabaw si reigning Southeast Asian Games champion John Leerams Chicano sa Men Olympic Standard sa 2020 National Age Group Triathlon sa Subic Freeport Zone kahapon.

Magaan na ginapi ni Hermosa ang kanyang mga kalaban sa tatlong events sa pagtala ng  33 minutes at 42  seconds. Naorasan sina Dash Aron Ramirez at  Jacob Kennedy ng 34 minutes at 26 seconds, at 34 minutes at 40 seconds, ayon sa pagkakasunod.

“Naghanda ako nang husto at gusto kong manalo. Salamat hindi ako nabigo,” sabi ng 15-anyos na taga-San Pedro, Laguna.

Namayani si Hermosa sa 500m, 13-kilometer bike at 2.5 runs at ipinoste ang una niyang panalo sa taunang torneo na itinaguyod ng Triathlon Association of the Philippines, sa pamumuno ni Tom Carrasco.

Inangkin naman ni Samantha Jaunace Corpuz ang korona sa women’s division sa oras na 37 minutes at 45 seconds.

Pumangalawa si Kira Ellis sa oras na 38 minutes at 39 seconds at pumangatlo si Jeanna Mariel Canete na nagposte ng 39 minutes at 50 seconds.

Sa men’s sprint, wagi si Juan Baniqued sa tinipang 1 hour, three minutes at 12 seconds habang panalo si Karen Manayon sa women’s division sa 1:09.28 seconds.

“They are our future heroes and heroines. The new stars are eligible in the World Youth Olympics,” sabi ni Carrasco na personal na pinangasiwaan ang torneo.

Ginawa namang training ground ni Chicano ang Olympic standard event para sa kanyang paghahanda sa Asian Triathlon na gagawin sa April sa Japan.

Nilangoy ni Chicano ang 1.5-kilometer swim sa bilis na  21 minutes at  55 seconds, tinakbo ang 40-kilometer bike sa 56 minutes at 43 seconds, gayundin ang 10km run sa 34 minutes at  56 seconds at tumapos sa 1 hour, 56 minutes at 18 seconds. CLYDE MARIANO

Comments are closed.