BUKOD sa pagiging Buwan ng Wika, ating ginugunita tuwing buwan ng Agosto ay ang araw ng mga bayani. Ito ay bilang pagkilala sa kanilang magigiting na ambag sa tinatamasang kalayaan ng ating bansa. Pero sumagi na ba sa ating mga isipan kung anong mga pagkain kaya ang kanilang paborito?
Elementarya pa lamang, ang kasama na sa ating mga pinag-aaralan ay ang kasaysayan ng buhay ng ating mga bayani. Kanilang kapanganakan, mga kapatid, maging mga love interest ay ating nadaraanan.
Pero ilan lamang sa mga librong ating nabasa ang tumatalakay tungkol sa paboritong pagkain ng ating mga bayani noong sila ay nabubuhay pa.
Hindi naman talaga maitatanggi na kadikit ng ating kasaysayan ang mga pagkain. Kung kaya’t masaya ring alamin kung ano-ano nga ba ang mga pagkaing nagpapagaan ng kanilang loob sa kabila ng pinagdaranan noon upang makipaglaban para sa ating kalayaan.
TINOLANG MANOK NI RIZAL
Paborito ng ating pambansang bayani ang Tinolang Manok. Ngunit alam niyo ba na may sarili siyang bersiyon nito ng pagluluto?
Ang Tinolang Manok ni Rizal ay sinasahugan ng kalabasa imbes na sayote o papaya na karaniwan nating ginagawa.
Alam nating ang pambansang bayani ay doktor sa mata kung kaya’t mas gusto niya ang kalabasa dahil mainam ito para sa paningin. Bukod pa rito, manamis-namis ang lasa ng kanyang bersiyon ng tinola dahil nilalagyan ito ng kaunting asukal imbes na patis.
POTCHERONG BAKA O BABOY PARA KAY DEL PILAR
Si Marcelo H. Del Pilar naman ang may paborito sa potcherong baka o baboy. Ang baboy na pinakuluan ay kasamang niluluto sa kamatis, kamote, garbanzos, at repolyo hanggang sa lumapot.
Ang mayamang lasa nito ang bumibihag sa matapang ngunit malambot na puso ng ating ilustrado.
NILITSONG MANOK SA SAHA NG SAGING NI BONIFACIO
Ang ating katipunero naman na si Andres Bonifacio ay paborito ang nilitsong manok sa saha ng saging. Ito ay pareho lang ng ibang letson ngunit binabalutan ng dahon ng saging at sampalok bago ihawin. Ito rin ay may ka-partner na sarsa na gawa sa atay ng manok.
NILAGANG MANOK NA MAY ASPARAGUS NI AGUINALDO
Kung si Rizal ay Tinolang Manok ang paboritong ulam, si Emilio Aguinaldo naman ay nilagang manok ang kinahiligan. Karaniwan sa atin ang baboy na nilaga ngunit para kay Aguinaldo, ang banayad na lasa ng nilagang manok na hinahaluan pa ng paborito niyang gulay na asparagus ay ang swak para sa kanyang panlasa. Simpleng lutuin pero masarap namnamin.
Marami pang mga bayani sa ating bansa at marami pang pagkain ang maaari nating alamin. Patikim lamang ‘yan sa ating makulay na kasaysayan. Maaaring tayo mismo ang tumuklas ng mga masusustansiyang kaalaman tungkol sa ating magigiting na bayaning lumaban para sa kapayapaan at kalayaan. Sa ganitong paraan mas maipagmamalaki pa natin ang ating mayaman na kultura’t kasaysayan.
Hindi lamang ang kanilang kagitingan ang masarap sariwain. Maganda ring balikan ang mga pagkaing nagpatibay ng kanilang sikmura para harapin ang mga pagsubok na nagresulta sa ating tinatamasa ngayon.
Mabuhay ang mga Bayaning Filipino! Mabuhay ang pagkaing Pinoy! LYKA NAVARROSA
Comments are closed.