ISABELA – BINIGYAN ng heroes’ welcome ang 75 miyembro ng 45th Infantry Battalion Philippine Army na bumalik sa kanilang mother unit sa lalawigang ito mula sa mahigit walong taon na pagkakadestino sa Jolo, Sulu.
Mainit na sinalubong ng mga kapamilya at mga opisyal ng 5th Infantry (Star) Division Philippine Army na pinamumunuan ni Major Gen. Perfecto Rimando, Jr. ang 75 na miyembro ng 45 Infantry Battalion na galing sa Jolo, na naging emosyonal ang kanilang mga pamilya sa pagsalubong sa kanila.
Ang 75 miyembro ng 45th IB na dumating sa Isabela ay unang batch lamang na sakay ng CI30 plane na lumapag dakong alas-2 ng hapon noong Sabado sa Cauayan City Airport.
Ang 45th IB na pinamumunuan ni Lt. Col. Alaric Delos Santos ay lumaban sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Lanao provinces at Sulu.
Ayon kay Delos Santos, 408 ang inatasan ng pamunuan ng Philippine Army na bumalik na sa kanilang pinanggalingan sa lalawigan ng Isabela, at sa susunod na tatlong araw ay maaari na umanong dumating na ang iba pang mga miyembro ng 45th Infantry Battalion, mula sa Jolo Sulu, Mindanao.
Sinabi pa ni Major Gen. Rimando, sa bilang na 386 miyembro ng 45th IB ay 10 lamang umano ang nasawi sa pakikipagsagupa sa mga Abu Sayyaf.
Ayon kay Major Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sasailalim muna sa retraining ang mga kasapi ng 45th IB bago sila maitalaga sa sakop ng 5th ID sa Region 2 at Cordillera Administrative Region (CAR). IRENE GONZALES
Comments are closed.