HEROES’ WELCOME (Tagumpay ni Yulo, Pinoy Olympians ipinagdiwang sa homecoming parade)

IPINAGDIWANG ang tagumpay nina double gold medalist Carlos Yulo, bronze medalists Nesthy Petecio at Aira Villegas, at ng iba pang Filipino Olympians na sumabak sa katatapos na 2024 Paris Games sa isang parada sa Maynila nitong Miyerkoles.

Ang mga Pinoy Olympians ay mainit na sinalubong ng kanilang mga kababayan sa 7.7km parade na nagsimula sa labas ng Aliw Theatre sa Pasay, dumaan sa Roxas Boulevard, Padre Burgos Avenue, Finance Road, Taft Avenue, Quirino Avenue, Adriatico Street, at nagtapos sa Rizal Memorial Stadium.

Ang parada ay nagsimula sa alas-4:08 ng hapon.

Namataan sa crowd ang ama ni Yulo na si Mark Andrew.

Dumating noong Martes ng gabi ang 17 sa 22 Olympians kung saan sinalubong sila ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. at ng iba pang opisyal ng pamahalaan sa Malacañan Palace.

Tinanggap ng mga medalist ang kanilang government-mandated incentives, habang nagbigay ang Office of the President ng karagdagang P1-M sa bawat medalist.

Wala sa parada sina EJ Obiena, na may naunang commitment, weightlifter Vanessa Sarno, boxer Eumir Marcial, gymnasts Aleah Finnegan, Emma Malabuyo, at Levi Ruivivar, at golfers Dottie Ardina at Bianca Pagdanganan.