PINAGKALOOBAN ng isang “heroes welcome” ang 82 man Philippine contingent na ipinadala sa Turkiye para tumulong sa disaster response sa mga naging biktima ng magnitude 7.8 earthquake na tumama sa bansa.
Ginanap ito kamakalawa ng gabi sa pagbabalik sa Pilipinas ng 82 miyembro ng search and rescue team na ipinadala ng pamahalaan sa nasabing bansa para sa isang mahalagang misyon.
Tinawag naman bayani ng Turkish government ang RP contingent.
“They have gone through a lot, they have been to a very difficult place. They have been witnesses to great human suffering, so it was not easy but they worked tirelessly and they represented the Philippines in a very exemplary manner. They have saved lives, they brought hope to many people. So we are deeply grateful for the contribution of the Philippines,” pahayag ni Turkish Ambassador to the Philippines Niyazi Akyol na kasamang sumalubong sa delegasyon.
Sinaluduhan at isa-isang kinamayan ang mga rescuer nina Department of National Defense Secretary Carlito Galvez Jr., kasama sina Office of the Civil Defense Asec. Raffy Alejandro, Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando Artes, Turkish Ambassador Niyazi Eyren Akyol, AFP chief of staff LTGEN Andres Centino at iba pang key officials mula sa Department of Foreign Affairs, at Department of Health.
Ayon kay Alejandro, isasailalim sa psychosocial debriefing ang grupo.
“They will undergo a debriefing session, io-organize natin yan.’Yung buong team magkaroon ng debriefing psychosocial intervention, and of course, sa pagbigay na rin ng pagkilala at pasasalamat sa kanila,” anito.
Sinasabing naging malaking tulong din ang karanasan sa humanitarian mission ng Philippine contingent bilang paghahanda sa mga posibleng sakuna sa bansa.
Sa nasabing misyon ng grupo sa Adiyaman, Turkey na isa sa lubhang naapektuhan ng nasabing lindol ay nasa 36 na mga gumuhong gusali ang ininspeksyon ng mga ito ang kung saan narekober ng anim na labi at nilapatan ng lunas ang nasa mahigit isang libong pasyente nasaktan din mula sa naturang trahedya.
Aniya, ang karanasang ito ng ating PH contingent ay malaki ang maitutulong sa paghahanda ng ating bansa sa posibleng sakunang mangyari sa Pilipinas.
Samantala, sa ngayon ay inihahanda naman na ng Department of Foreign Affairs ang tulong pinansyal na ipapadala ng bansa para sa mga naapektuhan din ng magnitude 7.8 na lindol sa Syria. VERLIN RUIZ