PINARANGALAN bilang “Honorary Congresswoman of the Year” ng Nation Builders and MOSLIV (Most Sustainable and Livaeable) Awards si House Deputy Speaker at BH Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera nitong Sabado, Marso 19 sa Okada Manila, lungsod ng Parañaque.
Ang naturang awarding ceremony na inorganisa ng Sustainable Standards Inc o SSI ay kumikilala sa mga natatanging personalidad na may malaking kontribusyon sa nation building at tumatayong inspirasyon ng komunidad sa pangangalaga sa kalikasan.
Maging ang partylist group ni Herrera, ang Bagong Henerasyon ay tumanggap din ng parangal na “Most Sustainable and Liveable Partylist,.”
Sa kanyang acceptance speech, inihayag ni Herrera ang kanyang taos pusong pasasalamat at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa ikauunlad at sa muling pagbabangon ng bansa.
“Malaki po ang aking paniniwala na kung tayo ay magtutulungan, mas magiging madali sa atin na mapaunlad at mapalakas ang bansang Pilipinas,” ani Herrera.
“Bagaman isang malaking karangalan na matanggap ang parangal na ito, wala nang mas hihigit pang parangal kapag nakikita nating masaya ang ating mga kababayan na ating natulungan umangat mula sa matinding kahirapan,” dagdag pa ng mambabatas.
Pinasalamatan din ni Herrera ang lahat ng bumubuo ng MOSLIV Awards, partikular si SSI Chairman Karl McLean na siya ring nasa likod ng international award-giving body na Superbrands, gayundin ang SSI President and CEO na si Kenneth Prieto Rocete.
“Napakalaki po talagang karangalan na makatanggap tayo ng ganitong award na kumikilala sa atin bilang Honorary Congresswoman of the Year pati na rin ang Most Sustainable and Liveable Partylist para sa ating Bagong Henerasyon,” saad pa ng lady solon.
“Mula pa po noong unang araw ko sa Kongreso, nakatututok na ang ating layunin sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa kapaligiran at kalikasan – kung paano sila aalagaan laban sa climate change, partikular ang pagbabawal sa single-use plastics. At hindi po tayo magsasawang ipagpatuloy ang labang ito sa mga darating pang panahon,” ani Herrera.
Mababatid na sa kasalukuyan, muling tumatakbo bilang kinatawan ng Bagong Henerasyon Partylist sa Kongreso si Herrera, matapos ang pormal nitong paghahain ng Certificate of Nomination and Acceptance sa Comelec noong Oktubre ng nakaraang taon.
Naniniwala na si Herrera na isa sa mga House leader na marami pa siyang dapat asikasuhin at isakatuparan bilang mambabatas kaya’t muli siyang tumakbo bilang partylist representative.
“Marami na tayong nagawa bilang congresswoman, pero naniniwala po ako na mas marami pa akong dapat gawin at magagawa para sa ating mga kababayan, lalo na sa panahong ito ng pandemya,” aniya.
Sa pahayag ng MOSLIV Awards kung bakit si Herrera ang napili nilang parangalan bilang “Honorary Congresswoman of the Year”, sinabi nilang ipinakita ni Herrera ang matinding dedikasyon nito sa kanyang tungkulin bilang lingkod-bayan.
Partikular nilang hinangaan ang pagsisikap ni Herrera na maipakilala ang kanyang grupo bilang isang partidong may di matatawarang malasakit sa mamamayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga proyekto para sa kapakan ng publiko.
Kasama rin sa kinilalang katangian ni Herrera ang walang sawang pakikibaka nito laban sa kahirapan at sa gutom, gayundin sa pagsisigurong makapagkaloob ng malusog na pamumuhay. Masigasig din ang kongresista na mabigyan nang maayos na edukasyon ang mga mag-aaral at disenteng pamumuhay ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga isinusulong na proyekto at mga panukalang batas.