INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na nabawasan na ang ‘vaccine hesitancy’ sa mga Pinoy ngayon.
Gayupaman, aniya. marami pa rin ang ayaw na magpaturok kontra COVID-19 dahil sa patuloy na kumakalat na mga fake news laban sa bakuna sa social media.
Nauna rito, sa isang survey ng OCTA Research Group na isinagawa sa may 1,200 adult Pinoy, lumitaw na ang mga taong ayaw magpabakuna ay bumaba na sa 5% noong huling bahagi ng taong 2021 mula sa dating 22% noong ikatlong bahagi nito.
Ayon sa OCTA Research, nasa 89% naman ng mga adult Filipinos ang handa nang magpabakuna na mas mataas ng 61%.
Sinabi naman ni Malaya na bagaman nabawasan na nga ang vaccine hesitancy o pagdadalawang-isip ng mga Pinoy na magpabakuna, marami pa rin ang mga taong matitigas ang ulo at hindi handang magpaturok ng COVID-19 vaccines dahil sa takot na maging zombie sila.
“Sa baba kasi, marami pa rin ang matitigas ang ulo…Ayaw nilang magpabakuna for whatever reason.
Yung iba nga naniniwala na magiging zombie sila. Fake news, sobra kasing nagkalat ang materyales sa social media at malakas ang anti-vaxx campaign sa abroad. Sa US maraming ayaw magpabakuna,” dagdag pa ng opisyal ng DILG. EVELYN GARCIA