HIDILYN PSA ATHLETE OF THE YEAR

Hidilyn Diaz

WALANG kupas si Hidilyn Diaz.

Mahigit isang taon magmula nang ibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang gold medal nito sa Olympics, ang Filipina weighlifter ay hindi pa nagdahan-dahan at natamo ang isa na namang milestone sa kanyang makulay na career.

Sa wakas ay nadominahan ni Diaz, 31, ang IWF World Weightlifting Championships sa likod ng dominant sweep sa women’s 55-kilogram class sa 88th edition ng meet na idinaos sa Gran Carpa Americs Corferias Convention Center sa Colombian capital ng Bogota.

Sa likod ng golden treble, ang Zamboanga City native ay nangibabaw sa snatch na may lift na 93kg at 114kg sa clean-and-jerk, para sa kabuuang 207kg at isang breakthrough sa world meet matapos ang limang beses na pagkabigo sa mga naunang kampanya.

Ang special feat ang kumumpleto sa bucket list ni Diaz ng pagwawagi ng gold sa international events, mula sa Southeast Asian Games, Asian Games, World Championship, hanggang sa Olympics, isang tagumpay na hindi pa nakamit ng sinumang Filipino athlete sa kasaysayan.

Bilang pagkilala sa pinakabagong karangalan na kanyang naiuwi sa bansa, si Diaz ay muling gagawaran ng Athlete of the Year award ng Philippine Sportswriters Association (PSA).

Tatanggapin ng Filipina weightlifter ang kanyang ikatlong Athlete of the Year trophy sa nakalipas na limang taon sa traditional San Miguel Corporation (SMC)-PSA Awards Night sa March 6 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.

Sa kabuuan, ito ang ika-4 na Athlete of the Year honor para kay Diaz, upang maging ikatlong atleta pa lamang magmula noong 2000 na nagwagi ng award ng apat na beses kasunod nina world boxing greats Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr.

“Hidilyn Diaz was the unanimous choice as Athlete of the Year for 2022 by the Philippine Sportswriters Association. Her latest triumph is a testament to her being a true world-class athlete who continues to be an inspiration to the Filipino people since her historic gold medal win in the Tokyo Olympics,” wika ni PSA president Rey Lachica, sports editor ng Tempo.