HIDILYN, TATANGGAP NG P6-M

Hidilyn Diaz

UMAABOT  sa anim na milyong piso ang kabuuang matatanggap ni Hidilyn Diaz na tinanghal na kampeon sa weightlifting at kauna-unahang gold medalist para sa Filipinas sa ginaganap na Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Maliban sa makukuhang P2 million insentibo  mula sa gobyerno, tatanggap din si Hidilyn ng P2 milyon mula sa Philippine Olympic Committee, at tig-isang milyong piso mula  Siklab Foundation at mula kay  Philippine Ambassador to Indonesia Lee Hoong.

Nagpaabot ng kanyang taos-pusong pagbati at pa­puri si Senator Sonny Angara kay Diaz. “Tayo po ay nakikiisa sa milyon-milyong Filipino na nagbubunyi sa pagkapanalo ni Hidilyn. Muli, pinatunayan niya sa buong mundo ang ‘di matatawarang galing ng mga Filipino. Dahil po rito, nararapat lamang na liban sa buong pagsuporta sa kanya, kilalanin din natin at pasalamatan ang karangalang dala niya para sa ating bansa,” ani Angara.

Pangungunahan ni Angara ang pagsumite ng isang resolusyon sa Senado para sa komendasyon kay Diaz at sa lahat ng manlalarong Pinoy na kalahok ngayon sa Asian Games partikular ang mga magwawagi sa kani-kanilang dibisyon.

Napagwagihan ni Diaz ang women’s 53-kilograms event sa Jakarta International Expo Hall A nitong Martes.

Ang P2 million na tatanggapin ni Hidilyn ay base sa inilalahad ng Republic Act 10699  na ini-sponsor ni Angara sa Senado noong 2015. Si Hidilyn din ang kauna-unahang atleta na “nagbuena mano” sa nasabing batas nang maging silver medalist ito sa Summer Olympics ng Rio de Janeiro, Brazil noong 2016 sa katulad ding palakasan.

Sa ilalim ng RA 10699 tumaas ang napananalunang halaga ng isang atleta at pinalawak din ang mga benepisyo at insentibo nito sapagkat maging ang mga coach at trainer ay tatanggap din ng kaukulang benepisyo

Bago nagwagi si Hidilyn ng gintong medalya sa naturang torneo, apat na Pinoy na ang nakapanalo ng 4 bronze medals at ang mga ito ay pawang tatanggap ng tig-P400,000 base pa rin sa nilalaman ng batas. Dati, tumatanggap lamang ng tig-P100,000 ang mga manlalarong nagwawagi ng medalyang tanso.

“Ginugol niya sa pagpapatayo ng isang weightlifting training facility sa kanyang bayan sa Zamboanga ang napanalunan niya noon. Ito ay para matulungan ang mga kababayan niya na nangangarap din maging world-class na atleta tulad niya. Tayo po’y nakatitiyak na muling gagamitin ni Hidilyn ang kanyang napanalunan ngayon sa isang napakamakabuluhang paraan,” ani Angara.

Sa ilalim pa rin ng nasabing batas, sa sandaling magretiro sa kanyang karera si Hidilyn, tatanggap ito ng 25% ng buong halaga ng kanyang napanalunan sa kanyang buong weightlifting career.

Kasama rin sa mga benepisyo ang libreng medical at dental consultations ng mga manlalarong Pinoy, mayroon din silang 20% diskwento sa mga bibil­hing gamot, sports equipment, pamasahe, bayad sa hotel, restaurants, recreation centers; sakop din sila ng PhilHealth at SSS; bibigyang-prayoridad din sila ng gobyerno sa mga pabahay at pautang, gayundin sa living quarters at training centers.

Naniniwala si Angara, awtor ng mga panukalang batas na naglalayong magtatag ng Philippine Amateur Sports Training Center at ng Philippine High School for Sports, na ang pagsisikap at tagumpay ni Hidilyn ay magsisilbing inspirasyon sa mga kapwa nito manla­laro upang mas mahulma pa nila ang kanilang galing at ta­lento sa palakasan lalo na sa mga pandaigdigang torneo.  VICKY CERVALES

Comments are closed.