HETO na nga. Ngayong natapos na ang 2023 Asian Games, panahon naman ng pagsasaayos ng mga dokumento at papeles ukol sa mga ginastos ng gobyerno sa pagsuporta sa ating mga atleta sa nasabing paligsahan.
Normal naman ito. Tulad din ng mainit na isyu tungkol sa sinasabing ‘confidential funds’ ng ilang ahensiya ng gobyerno, kailangan ay magbigay sila ng ulat kung paano maipaliwanag ang nasabing paggamit ng ‘confidential funds’. Ito ay binabantayan ng ating Commission on Audit upang matiyak na wasto ang paggamit ng pera ng taumbayan.
Subalit may mga pagkakataon na marami sa ating mga ahensiya, kasama na ang mga lokal na pamahalaan, na hindi nakapagsumite ng kanilang audit report. Kung minsan nga ay natapos na ang kanilang termino o katungkulan sa gobyerno ngunit hindi pa rin naibibigay ang mga ulat kung paano nila nadispalko ang kanilang budget sa kanilang iba’t ibang programa noong kapanahunan nila.
Tulad na lamang ng isyu sa pagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Philippine Olympic Committee (POC). Itong dalawang organisasyon ang punong abala sa larangan ng isports o palakasan. Subalit ang PSC ay gobyerno, samantalang ang POC ay isang pribadong institusyon.
Ang POC ang nagsisilbing ulo ng lahat ng ating mga national sports association (NSA) at nagbibigay suporta at koordinasyon sa mga international sport competition. Samantala naman, ang PSC ay kumakatawan bilang tagapagbigay ng pondo mula sa gobyerno para sa ating national athletes. Idinadaan ng PSC sa POC ang pondo pangsuporta sa mga atleta at sa kanilang coaching staff tuwing ang Pilipinas ay lalahok sa international games. Kasama rito ang pasahe, uniporme, pagkain, bitamina, tulugan at kung ano-ano pa upang matiyak na maayos at komportable ang kalagayan ng ating delegasyon sa nasabing palaro. Kung minsan ay nagbibigay rin ang PSC ng direktang suporta sa mga ilan na talagang malaki ang pag-asang manalo sa mga international competition.
Bagama’t maayos ang samahan ng nasabing dalawang organisasyon, tila nagkaroon ng kaunting hindi pagkakaintindihan ang mga namumuno sa PSC at POC. Ito ay nag-ugat sa biglang pagsita sa POC sa matagal na unliquidated na pondo na pumutok sa balita, dalawang araw pa lamang ang nakalilipas nang matapos ang Asian Games. Ang nasabing unliquidated na pera ay nangyari 25 years ang nakalipas!
May pinanghawakan na sulat kasi si POC president Abraham “Bambol” Tolentino mula sa tanggapan ni PSC chairman Richard Bachmann ukol sa P10 million na unliquidated financial assistance mula sa PSC noong lumahok tayo sa 1998 Asian Games sa Bangkok, Thailand.
Nasaktan si Tolentino dahil ang tono ng liham ay tila pinagpapaliwanag sila ng PSC tungkol dito at kailangang sagutin nila ito sa loob ng limang araw. “While we were here on the first day and waving the Philippine flag, they sent us the letter with an instruction ‘to answer within five days’ upon receipt,” ang sabi ni Tolentino.
Dagdag pa ni Tolentino, malinaw sa liham ng PSC na ipinaabot sa kanyang tanggapan noong ika-20 ng Setyembre, kung kailan kadarating lamang nila sa Hangzhou, China tatlong araw bago magsimula ang 2023 Asian Games.
“Why send the letter on September 20? Why not after the closing ceremony? Perhaps October 10 when we have all gone home. Give me one valid reason for the Filipino people on the timing of the sending the letter. Why? To distract us? That’s malicious intent… bad faith,” ang galit na paliwanag ni Tolentino. Hanep nga naman sa timing!
Ang nasabing unliquidated P10 million ay mula sa Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) bilang donasyon nila at idinaan sa PSC. Noong 1998, si Cristy Ramos ang pangulo ng POC at si Philip Ella Juico, na dating pangulo ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), ang chairman ng PSC noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Bilang sagot ni PSC chairman Bachmann, wala raw kinalaman ang PSC sa mga liham mula sa COA sa POC . “These demand or confirmation letters are routinely sent to entities with unliquidated balances, and the POC is no exception. The COA operates independently from the PSC and, as far as we know, has the authority to examine, audit and settle all governmental accounts, including those of the POC,” ang paliwanag ni Bachmann.
Pero teka. Hindi ba’t pribadong sektor ang POC? May kapangyarihan ba ang COA na sitahin o bigyan ng liham ang POC tungkol dito? Hindi ba ang nasabing liham ng COA ay para sa PSC at hindi sa POC? Tungkulin ng PSC na humingi ng liquidation sa POC at ang kanilang mga sangay na NSA kung paano nila ginastos ang nasabing pondo.
Teka…teka. Talagang tunay na basketbolista si Bachmann. Magaling magpasa ng bola, ika nga.
Pangunahing tungkulin ito ng PSC sa COA at hindi POC ang may pananagutan sa COA. Hindi ako magtataka kung bakit bumulwak ang bibig ni Tolentino laban sa PSC.
Ang payo ko lamang kay Bachmann ay huwag magturo. Malaki ang pananagutan ng PSC sa COA sa mga daang milyong dumadaan sa nasabing ahensiya upang magampanan nila ang kanilang tungkulin ukol sa sports development ng bansa.
Ang alam ko ay malaking halaga rin ang ibinigay ng ating gobyerno sa pag-host ng FIBA World Cup. Ang nasabing pondo ay idinaan din sa PSC at ibinigay sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). Tiwala ako na mabilis ang pagbigay ng liquidation report ng SBP na pinamumunuan ng PLDT-SMART president at CEO na si Al Panlilio. Isama pa natin ang chairman emeritus ng SBP na si Manny Pangilinan. Tiyak na aakuhin ni Bachmann ito at hindi niya sasabihan ang COA na sulatan ang SBP na nagdedemanda ng liquidation report at sagutin ito sa loob ng limang araw. Ano ba ‘yan?!