HIDWAAN SA TERITORYO NAG-UGAT SA MGA IMPERYO

ANG hindi pagkakaunawaan ng mga bansa na nag-uugat sa teritoryo ay isang suliranin na nagmula pa sa ating mga ninuno. Tulad ng ordinaryo at simpleng usapin ng pag-aari ng lupain ay nauuwi sa ayawan o kaya naman ay isasampa sa korte upang dinggin ng mga husgado kung sino ang tama o mali.

Tulad ng nangyayari ngayon sa hidwaan sa pagitan ng Russia at ng Ukraine, ang puno’t dulo dito ay kung may karapatan bang manghimasok ang bansang Russia sa Ukraine.

Para kay Russian President Vladimir Putin, ang mga etnikong Ruso na naninirahan ngayon sa Ukraine ay inaapi diumano ng mga etnikong Ukrainians.

Ayon sa kasaysayan, ang Ukraine ay dating bahagi ng Russia. Subalit nang mabuwag nga ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR), kung saan ang bansang Russia ang sentro ng kapangyarihan at awtoridad, maraming mga estado ng USSR ang umaklas. Isa na rito ang Ukraine.

Hindi rin ito nalalayo sa mga sigalot ng iba’t ibang bansa na humantong sa digmaan dulot ng paninindigan na may mga lupain o teritoryo ang ibang bansa na dapat ay sa kanila. Tulad na lang ng China. Ngayon at naging isang malakas na bansa, inaangkin nila ang halos kabuuan ng mga isla at karagatan sa South China Sea.

Para sa kanila, ito ay pag-aari ng China kung babalikan ang kasaysayan noong ang China ay isa sa pinakamalaking imperyo sa Asya. Noon pa man daw ay ang mga Tsino ang nangingisda sa karagatan ng South China Sea at namamalagi ang kanilang mga mangingisda sa mga maliliit na isla ng grupo na tinatawag ngayon na Paracel Islands at Spratly Islands. Dahil dito, apektado ang mga bansang Brunei, Vietnam, Philippines, Taiwan at Malaysia.

Ganoon din sa hidwaan ng India at Pakistan. Ang pinag-aagawan na Cashmere region sa hilagang parte ng dalawang bansa ay humahantong sa labanan ng kanilang mga sandatahan. Ganoon din sa pagitan ng Malaysia at Pilipinas ukol sa tunay na pag-aari ng Sabah. Mga iba pang bansa tulad ng Thailand at Myanmar, Saudi Arabia at United Arab Emirates, Sudan at Ethiopia, Spain at Morocco, Kenya at Uganda, Iran at Iraq, Israel at Palestine, Greece at Turkey at marami pang iba ay may isyu rin sa teritoryo. Subalit karamihan sa kanila ay hindi humahantong sa karahasan.

Natatandaan ko pa noong dekada 80 nang sakupin ng gobyerno ng Argentina ang maliit na isla sa dulo ng kanilang bansa na tinatawag na Falkland Islands. Ayon sa kasaysayan, kanilang pag-aari ang Falklands na tinatawag nilang Malvinas. Minana raw nila ito mula sa imperyo ng Espanya noong 1800s.

Subalit sa kasalukuyan, ito ay teritoryo ng Britanya at karamihan ng mga naninirahan doon ay nagmula sa Britanya. Magkaroon ng maikling digmaan sa pagitan ng Argentina at ng United Kingdom.

Kinalaunan ay nabawi ng Britanya ang Falklands mula sa Argentina.

Marami pang mga insidente ng awayan ng teritoryo ng mga bansa na maaaring nag-ugat sa etniko, kultura, pananakop at marami pang iba.

Subalit sino ba ang dapat sisihin kung bakit nagkakaganito ang hindi pagkakaunawaan ng mga bansa tungkol sa teritoryo?

Maganda ang pagkakasabi ni Kenyan UN Ambassador Martin Kimani na ang mga bansa sa Africa ay ipinanganak mula nang sakupin ito ng mga dating imperyo sa Europa. Ang Great Britain, France, Germany, Italy at Portugal ang mga imperyo na sumakop at nagsagawa ng mga teritoryong bansa sa Africa. Hindi na nila isinasaalang-alang ang etniko, kultura ng mga tribo na naninirahan sa nasabing mga bansa.

Ganoon pa man, para sa mga bansa sa Africa, nirerespeto at tumatalima sila sa mga batas at polisiya ayon sa United Nations dahil naniniwala sila sa kapayapaan at pagkakaisa ng bawat bansa upang umangat ang ekonomiya ng kani-kanilang inang bayan.