ISANG high-tech COVID-19 laboratory ang itatayo sa Sta. Ana Hospital upang higit na lumakas ang kakayahan ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pagsusuri ng hanggang isang libong mga residente kada araw sa mas mataas at mahusay na kalidad.
Ito ang inihayag ni Mayor Isko Moreno matapos tanggapin ang dalawang makinang donasyon sa pamamagitan ng simpleng turn-over ceremony sa Manila City Hall kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang.
Ayon kay Ang, ang donasyong makina ay tinawag na, ‘’Daan Natch CS Extraction Machines” na ang bawat isa nito ay may fully-automated nucleic acid extraction system na makapag-test ng mas maraming residente araw-araw, gamit ang mas accurate na confirmatory method sa pamamagitan ng swabbing.
Kasabay nito, nagpapasalamat din si Moreno sa Ayala Foundation at mga kompanya nito sa pag-aalok na akuin ang gastusin sa pagtatayo ng bagong laboratoryo na umaabot sa halagang P7.8 million.
Ani Moreno, mahal ang pagtatayo ng laboratoryo dahil bukod sa kinakailangang gamit na i-install sa loob ay kailangan din ng regular na bentilasyon upang matiyak ang proteksyon at kaligtasan ng medical frontliners sa impeksyon dahil sila ang magpapatakbo nito.
Tiniyak ng alkalde na gagamitin ang bagong pasilidad upang makapagbigay ng libre at mataas na kalidad na pamamaraan ng confirmatory testing para sa kapakanan ng mamamayan ng Maynila. VERLIN RUIZ
Comments are closed.