HIGIT 100 DAYUHAN HULI SA ONLINE GAMBLING HUB SA CEBU

ARESTADO ang mahigit 100 dayuhan sa isang ilegal na online gaming hub ng Bureau of Immigration (BI) sa Cebu nitong Sabado.

Ibinahagi ni Fortunato Manahan Jr., hepe ng intelligence division ng BI na isinagawa ang operasyon sa isang resort sa Brgy. Agus, Lapu-lapu City, Cebu sa koordinasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Kasama rin sa operasyon ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tumulong sa mga posibleng biktima ng trafficking.

Ang raid ay bunsod ng isang mission order na inisyu ni BI Commissioner Norman Tansingco laban sa 13 ilegal na dayuhan na mino-monitor na overstaying at nagtatrabaho nang walang permit sa nasabing lugar.

Daan-daang dayuhan ang natagpuang sangkot sa ilegal na online gaming operations sa makeshift work stations sa loob ng premises ng resort.

Ang mga naarestong dayuhan ay isasailalim sa inquest proceedings at pansamantalang idedetine bago ipa-deport.

Sinabi ni Tansingco na naniniwala siyang dapat ding panagutin ang mga may-ari ng resort dahil sa pagpapahintulot na magamit ang kanilang ari-arian ng mga ilegal na dayuhan.

“We will suggest to the authorities to file cases against resort owners to allow their properties to be used by illegal aliens in their covert operations,” said Tansingco. “This will serve as a warning to those who might attempt to start illegal online gambling operations, which has already been banned by the President” dagdag pa nito.

RUBEN FUENTES