HIGIT 150 EKTARYA NG PALAISDAAN NADALE NG FISH KILL

Bulacan – HALOS sampung  barangay sa bayan ng Obando ang tinamaan ng fish kill matapos maganap ang lindol nitong nakaraang Sabado.

Sa tala ng Municipal Agricultures Office, kabilang sa mga lugar na tinamaan ng fish kill ang bara­ngay Tawiran, San Pascual, Lawa, Paco, Binuangan, Salambao at Panghulo Pagasa at Paliwas.

Ayon kay Freddy Sta.Maria, department head ng Agriculture Office, posibleng naka­apekto sa pagkalason ng mga iba’t ibang uri ng isda ang matinding init ng panahon, ang paggalaw ng burak sa ilalim ng ilog at ang kawalan ng oxygen.

Karamihan sa mga nalason na isda ay bangus, tilapia, sapsap at iba pang uri ng isda mula sa tubig alat.

Aniya, nasa 150 ektarya ng palaisdaan ang tinamaan ng pagkamatay ng mga isda.

Tinatayang aabot sa halagang P30 hanggang P50 mil­yon ang nalugi sa mga mangingisda ng Obando.

Nilinaw ng opisyal na inis­yal pa lamang ang kanilang assessment dahil sa hindi pa nila napupuntahan ang iba pang lugar dahil sa kawalan ng tauhan na magsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring fish kills.

Samantala, sinikap  ng Pilipino Mirror  na makuha ang panig ng Provincial Agriculture Office na pinamumunuan ni Gigi Carillo subalit hindi nito sinasagot ang kanyang telepono.  THONY ARCENAL

 

 

Comments are closed.