HIGIT 1K BUNTIS TUTULUNGAN SA NUTRISYON NG ARBOs SA BICOL

The Department of Agrarian Reform (DAR) and the National Nutrition Council (NNC) in the Bicol Region have joined forces to launch a dietary supplementation program to assist nutritionally at-risk pregnant women in the region. DAR PHOTO

NILAGDAAN ng Department of Agrarian Reform (DAR) at ng National Nutrition Council (NNC) ang isang kasunduan upang  ang mga magsasakang miyembro ng agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) ay makapagsuplay ng masusustansyang pagkain sa 1,138 buntis na nasa panganib ang kalusugan mula sa 15 bayan sa Bicol Region.

Ang kasunduan sa pagitan ng dalawang ahensiya ay nilagdaan nina DAR Bicol Regional Director Reuben Theodore C. Sindac at NNC Nutrition Program Coordinator Arlene R. Reario upang simulan ang ika-6 na yugto ng programang “Tutok Kainan.”

Ayon kay Sindac, layon ng kasunduan na tulungan ang mga buntis na nasa mga lalawigan ng Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon upang masiguro na sila ay makatatanggap ng kinakailangang suporta sa nutrisyon.

“Sa taong ito, layunin naming magbigay ng tulong sa nutrisyon sa 1,138 na buntis sa 15 bayan sa mga nasabing lalawigan,” sabi ni Sindac.

Sa ilalim ng kasunduan, ang DAR ay magrerekomenda ng mga agrarian reform beneficiaries organization (ARBO) na may kakayahang mag-supply ng sariwang produktong bukid. Bibilhin ng NNC ang mga sariwang pagkain mula sa mga ARBO upang ihanda bilang pandagdag na pagkain para sa mga buntis.

Binigyang-diin ni Reario ang kahalagahan ng papel ng DAR sa proyekto at nagpahayag ng optimismo para sa patuloy na pakikipagtulungan.

“Sa pakikipagtulungan sa DAR, hindi lamang natin sinusuportahan ang ating mga ARBO kundi nagbibigay rin tayo ng mahalagang nutrisyon sa mga bata at buntis na nangangailangan,” pahayag ni Reario.

Ang programa ay naglalayong tutukan ang kahalagahan ng pagsubaybay sa nutrisyon ng mga target na benepisyaryo sa unang 1,000 araw upang labanan ang mababang timbang ng pagsilang at pagkabansot.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA