Abot-abot ang saya ng higit sa 300 na mga mangangalakal, street dwellers, sidewalk vendor, at mga persons with disability (PWD) ng Davao City nang maabutan din ng ayuda sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ng pamahalaan.
Mismong si House Speaker Martin Romualdez ang humarap sa grupo kasabay ang pangakong “sabay-sabay tayong babangon muli”.
“Ito naman talaga ang dahilan kung bakit may Bagong Pilipinas Serbisyo Fair tayo, para lahat maabutan ng tulong,” ani Speaker Romualdez.
Labis ang pasasalamat ni Maryjean Montecino, 29 years old, maybahay ng isang mangangalakal.
Aniya, “malaki ang matutulong nito sa aming mahihirap.”
“Sana ituloy-tuloy ni BBM at Speaker ang programa na ito para sa aming mahihirap,” dagdag pa ni Maryjean.
Ayon naman kay Elmer Disipulo, 53 years old ng Barangay 8-A, Davao City at tinamaan ng stroke, “first time ko makatanggap ng ganitong ayuda”.
Ayon pa kay Elmer, “daghang salamat Speaker Martin. Thank you, Sir President BBM.”
Para kay Ronnie Redondo, 44 years old, ng Barangay Matina, pandagdag sa kanyang negosyo na kwek-kwek sa bangketa ang pera na natanggap mula sa gobyerno.
“Hulog kayo ng langit Speaker sa mahihirap dito sa amin,” ani Mang Ronnie.