MAHIGIT 400,000 indibidwal ang inaasahang kukuha ng Career Service Examination–Pen and Paper Test (CSE-PPT) sa March 26, 2023.
Ang naturang bilang ay higit sa doble ng 147,877 lamang na registrants sa nakalipas na August 7, 2022 examination.
Ayon sa Civil Service Commission (CSC), 350,645 examinees o 86.89% ng kabuuang bilang ng registrants ang kukuha ng CSE-PPT for professional level, habang 52,922 o 13.11% naman ang kukuha ng subprofessional test sa itinalagang 94 testing centers sa buong bansa sa darating na Linggo.
“Gaya ng ating inaasahan, halos kalahating milyon ang nakapag-register para sa darating na pagsusulit ngayong Marso. Dahil dito, nagtalaga kami ng karagdagang testing centers upang maayos na ma-accommodate lahat ng examinees. Pinapayuhan namin ang lahat ng examinees na basahin at intindihing mabuti ang Examination Advisory No. 2, s. 2023 na makikita sa aming website,” ang pahayag ni CSC Chairperson Karlo Nograles.
Ayon sa CSC head, ang testing venue o school assignment ng bawat examinee ay maaari nang matukoy sa pamamagitan ng Online Notice of School Assignment o ONSA at kailangan lang i-access ang official website ng ahensiya, ang erpo.csc.gov.ph/eNOSAv3/.
“Examinees are advised to read thoroughly and understand fully the ‘Examinee’s Guide in Taking CSE-PPT’, which is exclusively available for examinees through ONSA, to be oriented with the examination process. If examinees cannot access the ONSA and still do not know their school assignment one week before the examination day, they should inquire directly with the CSC Regional or Field Office where they filed their application,” sabi pa ni Nograles.
“Examinees are also encouraged to visit or conduct an ocular inspection of their assigned school before the day of examination to be familiar with the location and its route/direction, means of public transport, and travel time,” dagdag pa niya.
Nagpaalala rin ang CSC na ang pagsusuot ng face mask sa buong araw ng pagsusulit ay ipatutupad at ang mga examinee ay hindi papayagang makapasok sa testing venue bang walang face mask.
Mahigpit ding ipatutupad ang “No ID Card/Document, No Exam” policy, ang examinee ay kailangang may maiprisintang isang valid ID card at binigyang-diin din ng CSC na dapat magdala ng sariling black ball pen/s ang examinees sa pagsagot sa test. Ang lapis, gel pens, sign pens, fountain pens, friction pens, at iba pang kulay ng ball pen ay ipinagbabawal at bawal din ang hiraman ng ballpen. ROMER R. BUTUYAN