NASA kabuuang 64,420 examinees ang nakapasa sa Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT), o katumbas ng 16.88% passing rate, na isinagawa sa buong bansa noong Marso 26 ng kasalukuyang taon.
Ayon sa Civil Service Commission (CSC), ang 54,478 sa examinees, o 16.42% ng total candidates, ang pasado sa CSE Professional Level, habang 9,942 naman o 19.97% ng examinees ang pumasa sa Subprofessional Level.
Ang National Capital Region ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng successful examinees, na may 16,682 passers para sa kaparehong levels; kasunod ang Regions IV at III, na may 7,730 at 5,072 total passers, ayon sa pagkakasunod,
Sinabi ni CSC Chairperson Karlo Nograles na ang buong listahan ng mga pumasa sa nabanggit na pagsusulit ay maaaring makita sa CSC website (www.csc.gov.ph), sa pamamagitan ng pag-click sa Examination Results widget na nasa sa kaliwag bahagi nito o kaya naman ay direktang buksan ang CSC Examination Portal (www.csc.gov.ph/exam-portal).
“Mula sa CSC, malugod na pagbati sa lahat ng mga nakapasa sa Civil Service Exam; we are looking forward to working with you in the civil service, where your expertise and passion will play a crucial role in shaping the future of our nation. For those who did not make it this time, do not lose hope, and remember that you can always try again.
Determination, coupled with persistence, will surely help you in your journey to becoming civil servants,” ang mensahe ni Nograles.
Samantala, paalala ng CSC, ang applicants na pumasa sa CSE Professional Level ay binibigyan ng Career Service Professional Eligibility, na isa sa requirements para sa permanent appointment sa first at second level positions sa gobyerno, partikular ang para sa professional, technical, scientific, at managerial positions, na kailangan ay tapos din ng four years of college studies.
Ang Subprofessional Level passers naman ay ginagawaran ng Career Service Subprofessional Eligibility, na maaari rin para sa permanent appointment sa first level positions gaya ng clerical, trades, crafts, at custodial service positions, na ang requirement ay mas mababa sa apat na taong pag-aaral sa kolehiyo.
Subalit paglilinaw ng CSC, ang pagkakaroon ng eligibility ay hindi garantiya ng employment sa government service, dahil kailangan pa ring matugunan ng aplikante ang lahat ng qualification standards para sa kaukulang posisyon, kabilang ang education, training, experience, at eligibility.
-ROMER R. BUTUYAN