HIGIT 82.81M PINOY REHISTRADO NA SA NATIONAL ID

MAHIGIT  82.81 milyong Pinoy ang nakapagparehistro na para sa national ID o ang Philippine Identification System (PhilSys) magmula nang ilunsad ito noong  October 2020, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ng PSA na hanggang noong December 18 ay nasa 82,812,899 Pinoy ang rehistrado na para sa  national ID, na 90 percent ng 92 million target registrations nito.

“The PSA was exerting all efforts to ensure coverage of Filipinos who have not yet registered,” ayon kay National Statistician Dennis Mapa.

Ang mga tauhan ng PSA ay bumisita sa mga liblib na lugar sa bansa, tulad sa Agusan del Norte, upang tulungan ang mga residente sa pagpaparehistro para sa national ID.

Nakarating din ang mga miyembro ng PSA sa  local Badjao communities upang irehistro sila sa PhilSys, gayundin ang bigyan sila ng Certificates of Live Birth sa pamamagitan ng PhilSys Birth Registration Assistance Project.

Samantala, iniulat ng statistics agency na hanggang December 8, nasa 48.77 million PhilIDs ang dinispatsa para i-deliver ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Sa naturang bilang, 44.8 milyon ang dineliber ng Philippine Postal Corporation. Idinagdag pa ng PSA na mahigit sa  44.14 ePhilIDs — kapwa printed at downloaded — ang naisyu na.