INANUNSIYO ng mga kompanya ng langis na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo simula ngayong araw ng Martes, Setyembre 17.
Magpapatupad ang Shell, Petro Gazz, Phoenix Petroleum, Seaoil, Caltex, PTT Philippines, at Total ng P1.35 taas-presyo sa kada litro ng gasolina at P0.85 taas-presyo sa kada litro ng kerosene.
Parehong presyo rin ang idaragdag ng Cleanfuel sa kada litro ng kanilang gasolina at diesel simula naman sa Miyerkoles, Seytembre 18.
Tataasan naman ng Shell, Seaoil, at Caltex ng P1 ang kada litro ng kanilang kerosene.
EPEKTO NG PAGSABOG NG OIL FACILITIES SA SAUDI BINABANTAYAN
HINDI pa kasali sa dagdag-presyo ngayong linggo ang epekto ng pagbomba sa oil facilities sa Saudi Ara-bia.
Nagsagawa ng emergency meeting ang Department of Energy (DOE) para pag-usapan ang magiging epekto ng pagbomba sa suplay at presyo ng petrolyo sa Filipinas.
Posibleng umabot sa P3 kada litro ang itataas ng presyo ng petrolyo pero puwede pa itong mabago depende sa hakbang na gagawin para mapunan ang kakulangan, ayon kay Unioil President Kenneth Pundanera.
Higit kalahati ng oil production ng Saudi Arabia ang apektado sa pagsabog.
Ayon naman sa DOE, kakausapin nila ang mga kompanya ng langis na gawing “staggered” o utay-utay ang taas-presyo sa petrolyo sakaling lumobo ito sa susunod na linggo.
Kalahati ng suplay sa mga gasolinahan sa Filipinas ang imported at kalahati naman ay nire-refine mula sa imported na krudo. Nasa 12 porsiyento ng krudo ang galing sa Saudi Arabia na apektado ng pagsabog sa oil facilities.
Comments are closed.