HIGIT P150-M SUBSTANDARD NA PRODUKTO, ILLEGAL VAPE KINUMPISKA NG DTI

KINUMPISKA ng Fair Trade Enforcement Bureau ng Department of Trade and Industry (FTEB-DTI) ang mahigit P150 milyong halaga ng mga substandard na produkto at ilegal na vape para protektahan ang mga konsyumer at lehitimong negosyo.

Sa ulat na isinumite ng FTEB sa kalihim ng DTI, nakumpiska nito ang 423,077 produkto na nagkakahalaga ng P151.56 milyon mula Abril hanggang Agosto 2, 2024. Kabilang dito ang 357,932 produkto na nagkakahalaga ng P122 milyon na hindi pasado sa mga teknikal na regulasyon, habang 65,145 vape unit na nagkakahalaga ng P29.69 milyon ang lumabag sa Vape Law.

Ang FTEB ay ahensiya ng DTI na may tungkulin na ipatupad ang pagsunod sa iba’t ibang batas sa kalakalan at industriya.

Sa ilalim ng Department Order No. 24-56, pinalawak ang regular na monitoring at enforcement activities ng FTEB sa National Capital Region para sa mas masusing pagpapatupad ng batas. Ang Task Force Kalasag na nilikha noong Marso 2024 sa ilalim ng Department Order No. 24-56, ay nagsagawa ng 12 enforcement rounds mula Abril 22 hanggang Hulyo 30 at sinuri ang 1,804 na tindahan.

Ang Task Force Kalasag ay binubuo ng mga technical staff mula sa FTEB at mga regional office ng DTI na inatasan noong Abril 2024 upang magsagawa ng nationwide monitoring at enforcement activities at siguraduhing sumusunod ang mga negosyo sa mga teknikal at legal na regulasyon.

Nakumpiska ng task force ang 421,670 produkto dahil sa paglabag sa standards at sa Vape Law. Nag-isyu rin ito ng 509 na notices of violation.

Ayon sa FTEB, naging mabunga ang pagbuo sa Task Force Kalasag na may budget na P43 milyon, samantalang nakakumpiska ito ng P147.68 milyon na ilegal na produkto.

Bukod sa pagdadagdag ng proteksiyon at kamalayan ng mga konsumer, napigilan din nito ang panganib sa kalusugan at kaligtasan sa pamamagitan ng pag-alis ng mga hindi sertipikado at mapanganib na produkto mula sa merkado.

Sinabi ng FTEB na sinubaybayan nito ang 1,611 tindahan, at nadiskubre na 1,186 ang sumusunod at 424 ang hindi sumusunod sa regulasyon. Dahil dito, nag-isyu ang ahensiya ng 424 na notices of violation at kinumpiska ang 356,525 produkto na nagkakahalaga ng P117.99 milyon.

Sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11900, o Vape Law, sinubaybayan ng FTEB ang 193 vape shops at nakita na 99 lamang sa kanila ang sumunod at 85 ang sumuway sa batas. Bilang tugon, nag-isyu ito ng 85 na notices of violation at kinumpiska ang 65,145 vape product na nagkakahalaga ng P29.69 milyon.

Ayon sa FTEB, maraming tindahan ng vape ang natuklasang nagbebenta ng mga produktong may taglay na flavor descriptor at mga larawan na nakakaakit sa mga menor de edad o ang mga tindahan mismo ay nakapuwesto sa loob ng 100 metro mula sa mga lugar na madalas puntahan ng mga menor de edad katulad ng paaralan.

Inilunsad ang Task Force Kalasag ang pinakamalaking pagsalakay nito nang kumpiskahin ang P24.86 milyong ilegal na vape sa Parañaque City noong Abril 23, 2024.

Bukod sa mga pisikal na vape shops, sinuri rin ng online monitoring team ng DTI-FTEB ang 94,739 online shops, nag-isyu ng 494 show-cause orders at pinuna ang 77,069 product listings na karamihan ay sa Facebook. Tinanggal nito ang naturang mga link o URL.

Nag-isyu ang FTEB ng show cause orders sa 494 online shops, kabilang ang 285 sa Facebook, 44 sa Lazada, 85 sa Shopee, 71 sa TikTok, at siyam na website ng kumpanya.

Sa 77,069 na URL/link na tinanggal, 49,393 ang nasa Facebook; 18,869 sa Lazada; 5,292 sa Shopee; 1,782 sa Instagram; 987 sa Carousell; 740 sa TikTok; siyam sa mga website ng kompanya na may kumpletong address, at anim sa mga website ng kompanya na may hindi kumpletong address.
VICKY CERVALES