(Hihilingin kay Duterte) TITULO NG LUPA IPAMIGAY SA MGA NAWALAN NG BAHAY SA MARAWI SIEGE

Senadora Imee Marcos

HIHILINGIN ni Senadora Imee Marcos kay Pa­ngulong Duterte na ibigay na lamang ang bahagi ng military reservation area sa Marawi para makauwi na ang mga internally displaced persons (IDPs) na nawalan ng bahay dahil sa 2017 terrorist siege.

Ito ang inihayag ni Marcos bago dumalo sa  closed-door meeting sa Malakanyang kasama ang  Pangulong Duterte, IDPs at mga miyembro ng Special Senate Committee on Marawi Rehabilitation kahapon.

“Kaya itong gawin ni Presidente Duterte sa ilalim ng Administrative Code para makauwi na ang mga Maranao at makapagsimula ng panibagong buhay,” paliwanag ng senadora.

Tinukoy ni Marcos ang Mindanao State University, ang lupang dating pag-aari ng militar kung saan nagdaos ng rally ang IDPs noong Pebrero 21 para ihayag ang kanilang hinaing sa Senate Special Committee na gusto na nilang makauwi.

Anang senadora, ang humahadlang sa pag-uwi ng mga ito ang land titling o pagpapatitulo ng lupain at reconstruction o pagtatayo ng kanilang mga bahay sa Marawi, halos dalawa at kalahating taon na ang nakalilipas mula noong mangyari ang limang buwang terrorist siege noong October 2017.

“Paano makakabalik ang mga taga-Marawi sa kanilang sariling bayan kung napakaraming dokumentong hinihingi sa kanila bukod pa sa hanggang ngayon ay wala pa ring mga pasilidad para sa tubig at koryente,” diin ni  Marcos.

Halos wala pa sa kalahati ng mga matagal nang residente sa Marawi ang may hawak na titulo ng lupa at iba pang legal na dokumentong nagpapatunay na may pag-aari silang lupain na kailangan o requirements ng lokal na pamahalaan para muli nilang maitayo ang kanilang mga bahay.

“Outright titling ang solusyon, kung sasang-ayon ang Presidente. Kung papalarin, maaaring makakauwi na ang mga IDP bago mag-anibersaryo ng Marawi siege sa May 23,” dagdag pa nito. VICKY CERVALES

Comments are closed.